Tuesday, June 2, 2009

Ang Kwento ng Babaeng Sorbetes ng Calauan na Pansamantalang Iniwan Ang Alagang Pusa sa Manila

“O-o-o-okey. Sa mga campers ng Va-a-alley View A-a-academy! Punta na po tayo sa Dining hall para sa ating uma-a-agang ha-a-apounan!”

Alas-singko pa lang ng umaga, gising na ko. Hanep. Naunahan ko pa nanay ko. Masasabi ko atang ‘di normal ang mga pangyayari pag ganun.

Sa madaling salita, gumising ako ng maaga para mag handa. Ang totoo niyan, hindi naman ako ang nag handa ng gamit ko. Nanay ko talaga ang gumawa ‘nun para sa’kin. Gumising lang pala ako ng maaga kasi trip ko lang.

Teka. San ba ako pupunta?

Maglalayas na ba ako? Hindi naman. Mawawala lang ako ng apat na araw papuntang Calauan, Laguna. School activity. School camping Pwede mo ring sabihing school ritual. Kaya tiyak magiging masaya kaming lahat. May alam akong isang nilalang na ‘di masisiyahan. Pusa ko.

Sa mga nakalipas na araw. Masasabi kong ‘di naman ako excited. Bale wala nga lang sa’kin. Ano naman kung pupunta kami sa Word Of Life? Ano naman kung apat na araw kami doon? Ano naman kung magsi-swimming kami araw-araw (doon lang ata ako nagalak)? Ano naman kung lalayo muna ko sa bahay ko?

Alas-diyes pa ang alis namin. Pero tulad ng sinabi ko, maaga akong nagising. Hindi talaga ako excited. Feeling ko lang ata talaga gumising ng maaga.

Pero sandali nga lang. Bakit ko ba pinoproblema ‘yun? Ano naman mawawala sa’kin kung gigising ako ng maaga? Papahabain ko lang ang kwentong ‘to. Sayang ang pera pang-print.

Maaga ako nakarating sa eskwelahan. Ako nga ang nauna. Akala tuloy ng mga tao dun galak na galak ako kahit hindi naman. Dahil maaga ako dumating kasama ng isa pang estudyanteng sa tingin ko eh siya ang galak na galak, ay naglibot-libot muna kami sa subdibisyon at tumambay sa isang usual place na madalas nila puntahan. Dumating din ang mga kaklase niya dun na hindi ko masyado ka-close. Kaya sa madaling salita, O.P. ako. Umalis na ko.

Ang galing. Hindi pa kami nakakaalis ng eskwelahan, paltos-paltos na ‘yung paa ko. Tinamaan kasi ng magaling ‘tong utak ko. Ginamit ko yung sapatos ko na masikip sa’kin tapos hindi ako nag-medyas. Gipit at hirap na ko. Sa sobrang sakit, gumamit pa ko ng personal thingy ng babae para cork ng sapatos at mag-silbing band-aid na rin.

Napapahaba tayo.

Dumating ang alas-diyes. ‘Di pa rin umaalis. Dumating ang alas-dyes imedya. ‘Di pa rin umaalis. Pero kahit paano, nasa bus na kami ng mga oras na ‘yun. Siguro halos alas-onse na rin kami nakaalis.

Boring sa bus. Walang magawa. Nag-iingay lang ang mga kaklase ko at tawanan ng tawanan. Hindi ako interesado. Dala ko ang mp4 ko. Nakinig nalang ako hanggang sa ma low-bat na.

Nag-e-enjoy ako kasi nakaupo ako sa window side. At sa window side, marami kang makikitang driver ng mga sasakyan. Ibig sabihin nag bo-boy hunting ako. Ang problema lang, walang matinong imahe. Puro balbas sarado. Nakakita ako ng isa. Pwede na pagtiyagaan. Kinindatan ako, yung katabi niya, kinawayan ako. Kinawayan ko rin. Ok na rin kahit paano.

Nag stop-over kami sa McDonalds. Hindi dapat ako bababa. Kaso pinlit ako ng homeroom teacher ko. May baon kasi ako. Sayang naman kung ‘di ko kakainin yun. Yung pera ko na baon ko, balak ko talagang gastusin yun wala ng iba kundi para sa sorbetes lang. Pero bumaba na rin ako.

Kumain ako. Bugrer na 39 pesos lang. McDo. Pwede na rin. Ayoko kasi kumain ng kanin pag byahe. Baka ilabas ko lang at masapak ako ng katabi ko sa bus ng wala sa oras. Alam mo na siguro kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ko.

Tama na ang dakdak. Napapahaba na talaga tayo. Ang totoo kasi niyan, hindi ko naman alam kung paano ko iku-kuwento ang nangyari sa naganap na camping. Nakalimutan ko na halos lahat ng nangyari. Parang lahat ng naganap sa Calauan ay agad kong tinanim sa utak ko para siguradong madadala ko ‘to pag tanda ko.

Pero Sige. Subukan ko umalala ng iba.

Ilang oras pa bago kami nakarating sa destinasyon namin. Pero tulad ng sabi ko kanina, boring na ko sa loob ng bus. Nakikinig lang ako sa ingay at nakikitawa kahit ‘di ko alam ang dahilan.

Pagdating sa Word of Life, baba agad ako para langhapin ang sariwang hangin. May hindi ata kanais-nais akong naamoy sa loob ng bus. Ano man iyon, hindi ko na in-alam.

Gustong-gusto ko na i-assign kami sa mga sari-sariling room namin. Kaso sobrang tagal. Ang sakit na ng paa ko, tapos ang bigat ng bag ko. Yung sapatos ko, parang narinig ko pang binulungan akong hubarin ko na siya.

Hindi kami agad pinapunta sa mga kwarto. Sa auditorium kami dumiretso para gawin ang isa pang ritwal tuwing pupunta ka sa lugar na ‘yun. Kahit siguro buwan-buwan ka pupunta doon, gagawin mo talaga ang ritwal na pakikinig sa Rules & Regulation ng Word of Life.

S.S.S. Isa sa rules nila. Kabisadong-kabisado na ng mga kaklase ko. Ang katangi-tanging naaalala nila. Siguro dahil nakapaloob dito ang favorite past time nila.

No Smoking. No Smooching. No SMB. Iyan lang ang ilan sa bisyo ng mga kabataan kaya ‘di ka na magtataka kung ang rule lang na iyon ang matatandaan nila.

Hindi na ko nakikinig. Ang daming dinadaldal sa harap nung isa sa mga staff ng Word of Life. Mga salitang tatlong taon ko ng naririnig. Hindi na ko interesado. Ang nasa isip ko na lang ay pumunta sa kwarto para magbihis at magpahinga.

Laking tuwa ko nang matapos ang Rules & Regulations dakdakan. Kaso mo sa basketball court naman kami pinapunta para sa isa namang version ng Rules & Regulations ng school. Antagal. Badtrip pa ko dahil hindi ko pwede gamitin ang mp4 ko na sinabi naman nila nung nakaraan na pwede.Badtrip.

Sa wakas, sa wakas. Naawa din sila at pinapunta na kami sa aming heaven. Pagpasok ko ng kwarto, namili agad ako ng kama. Pinili ko yung malapit sa banyo tsaka yung malayo sa mga teachers para kung sakaling may kalokohan akong gagawin, hindi nila ako makikita.

Ang totoo niyan. Wala naman ako lagi sa room namin. Iniiwasan ko kasi tung isang teacher na kapag nakita ka eh hindi ka na tatantanan kapag nasimulan kang alaskahin. Isa pa, medyo ‘di ko close yung teacher.

Sa unang araw, ‘di ko na matandaan kung ano talaga ang ginawa namin. Kung ano yung mga laro. Ang natatandaan ko lang ay yung variety show namin nung gabi.

Teacher ang role ko. Ewan ko kung matinong teacher. Siguro ako lang ang bukod tanging gurong walang pakielam sa mga estudyante niya.

Tama na. Punta na tayo sa tulugan.

Maaga akong natulog nung unang gabi. Wala pa sigurong alas-nuwebe, bagsak na ko. Wala na kong pakielam kung ano ang nangyayari sa labas. Natulog na ko at napaginipan ko pa na bakla ang role ni Jojo Riguerra sa Menginga ng New York City.

***

Tumutulo pa siguro ang laway ko nang marinig kong pumito na ang isa sa mga teachers namin para gumising kami at mag-kalas buto daw. Sa inis ko, parang gusto ko kalasin ang mga buto nila lahat. Antok na antok pa ko at pinagmamadali kami na parang hinahabol kami samantalang ang aga-aga pa at ang iba sa’min ay nag-hahanda pa lang.

Shoot. Total harassment. Ekspresyon ko palagi na natutunan kong sabihin minu-minuto. Totoo naman. Pakiramdam ko hina-haras kami tuwing pinagmamadali kami. Ayaw ko pa naman na pinagmamadali ako kasi makupad ako kumilos. At isa pa, ayaw kong nagkakalas-buto. Motto ko sa buhay, “Exercise is bad for my shape”.

Almusal, Tanghalian. Hapunan. Dito nagagamit ang paunang salita ko sa simula. Kapag almusal, maagang almusal. Kapag tanghalian. Maagang tanghalian. Kapag hapunan, Maagang hapunan. Eto lang siguro ang masasabi kong favorite activity tuwing pupunta kami sa Calauan. Para kaming mga hayop na kakatayin sa sobrang generous nila sa pagbibigay ng pagkain. Itaas mo lang ang kamay mo atmay mahuhulog na grasya galing sa kusina nila. Ang saya. Kung may magtatanong sa’kin kung bakit maiibigan kong tumira sa Word of Life, isa sa mga isasagot ko ay dahil busog ako araw-araw.

Sa araw na ‘to, marami kaming ginawa. Sumasali naman ako sa mga laro kaso may mga oras na naba-badtrip ako dahil yung mga kalaban, nanghaharas na. Kala mo nasa Olympics kung mag-laro. Ako nga. Manalo, matalo ang team ko, hindi ako interesado Alam kong cute pa rin naman AKO. Ang pinunta ko lang naman sa Calauan ay ang masarap na Selecta Ice Cream nila na nagpapabuhay lagi sa dugo ng isang musmos na tulad ko.

Sa isang araw siguro, masasabi kong nakaka-walong ice cream ako. Marami akong pera at tulad ng sabi ko, wala akong balak sa salapi ko kundi ibili lang ng sorbetes.

‘Yun lang ang daily activiy ko. Maglaro. Kumain ng ice cream. Magpahinga. Kumain ng ice cream. Mag-duyan. Kumain ng ice cream. Mang-asar. Kumain ng ice cream. Mag-senti. Kumain ng ice cream. Tumawa. Kumain ng ice cream. Mag-swimming. Kumain ng Ice cream.

Sawa na nga yung tindera sa mukha ko. Alam na alam niya pag ako na ang bubulaga sa kanya sa counter.

Sa first day, walang swimming kaya medyo boring. Sa second day, may swimming kaya boring pa rin. Isang oras lang ang swimming at hindi ka gaanong mag-e-enjoy dahil sa dami niyo lulusong sa tubig. Pag trip mong lumangoy, hindi ka pa siguro aabot ng isang sentimetro, suko ka na sa dami ng puwet na mahahawakan mo habang nakasisid ka. Hindi pa nangyayari pero alam mong magkaka-pasa ka dahil sa umpugan ng mga siko, tuhod, at ulo.

Isang oras lang. Bitin na bitin pa. Hindi pa mangungulubot ang mga daliri mo.

Ilang minuto na lang, hapunan na. Magbabanlaw pa ko. Isipin mo na lang kung ilan kami sa kwarto na mag-aagawan sa banyo. Isipin mo na lang kung gaano ka-arte ang mga babae kapag nasa loob ng banyo. Pero sa swerte ko, ako ang nauna. Problema nila kung hindi sila maghahapunan.

Hapunan.

Eto nanaman. Ang sarap ng buhay pag kakain ka. Tandaan. Itaas mo lang ang kamay mo at may grasya ka na agad. Dahil doon, minu-minuto kami magtaas ng kamay ng mga katabi ko. Para kaming mga preso na bibitayin na kapag kumain. Hindi nga kain, kundi lamon.

Hindi ko na matandaan kung ano-ano yung mga pagkaing inihain sa’min sa mga araw na ‘yun pero masasabi ko talagang pulido. At ang sa-sarap.

Tulugan time nanaman.

Badtrip ang pangalawang gabi. Ang init-init sa pwesto ko. Habang naghihilik na ang mga kasama ko, yung kama ko naman nag kee-kreek-kreek pa sa gulo ko. Pinagpapawisan ako. Hindi ako makatulog. Sa sobrang dilim pa ng kwarto at katabi ko pa ang banyo, kahit ang init-init, nakatalukbong ako. Hindi ako takot sa multo. In case lang naman na may magpakita.

Badtrip. Hindi maganda ang tulog ko nung gabing iyon. Siguradong bad mood ako pag gising ko kinabukasan.

***

Pag gising ko kinabukasan, badtrip nga ako. At sa sobrang inis ko sa pagkakalas-buto namin, parang may gusto na talaga akong kalasan ng buto. Kahit naman ikaw, ayaw mo gumising ng maaga kung alam mong madaling araw ka na nakatulog.

Tulad ng una at pangalawang araw, marami kaming ginawa. May mga activities nanaman.

Ang nagustuhan ko lang ay yung nag-swimming ulit kami. Wala naman kasi akong hilig sa paglalaro kaya hindi ko masyado na-e-enjoy ang mga ganun.

Tulad ng kahapon.

Maglaro. Kumain ng ice cream. Magmukmok. Kumain ng ice cream. Mang backstab. Kumain ng ice cream. Makipagbulungan. Kumain ng ice cream. Tumawa. Kumain ng ice cream. Lahat ng ginagawa ko, basta natapos, pagkain ng ice cream ang kasunod.

Itong araw na ‘to. May art-craft kami. Ayos lang. Mahilig naman ako sa mga ganoong bagay kaso mo ‘di ko naman alam na gagawa kami ng porselas.

Na-galak ako. Kaso ‘di pala ganoon kadali. Kailangan pa gumawa ng mga buhol-buhol na echos. Ang alam ko lang naman paggawa ng porselas, kumuha ka ng tali, punuin mo ng beads tapos buhulin mo pag punong-puno na. Badtrip ako. Kasi ang daming kailangang eche-bureche para matapos ka.

Hindi ako nag-enjoy sa madaling salita.

Ayos lang. Pagkatapos naman nun, magsi-swimming nanaman kami. Kaya ayos lang talaga. Init na init na ang ulo ko at pawisan na ko. Pakiramdam ko nanggigitata na ko. Naririnig ko pa na ang tubig na ang tumatawag sa’kin para lumusong ako dahil ‘di na rin talaga kanais-nais ang amoy ko.

Natapos ang unos. Nagpuntahan lahat sa kwarto at sari-sariling kumuha ng tuwalya. At sabay-sabay na lumusong sa swimming pool.

Okay lang. Hindi ka lang naman ulit makakalangoy ng maayos sa dami ng tao.

Hindi naman ako masyadong lumalangoy. Lagi lang ako nakaupo sa may hagdan at pinapanuod ang mga barakong nantitrip nanaman at nakikitawa sa kung ano man ang maibigan kong tawanan.

Nakakasawa.

Ahunan time. Na-karma ata ako.

Hindi na ko ang nauna sa banyo. Gumanti ang tadhana dahil sa tinagalan ko sa banyo kahapon at hindi nakaligo ang ilan sa mga kasama ko sa kwarto. Pero ‘di ako nagpatalo.

Hindi na lang ako naligo. Nagbihis agad ako at kinagabihan na lang nagbanlaw. Nakakain pa rin ako at hindi pa rin lugi (wala namang nakikipagpaligsahan sa’kin).

Kainan. Hapunan.

Ginamit ulit ang paunang salita.

Hindi ko matandaan kung anong grasya ang inihain sa’min pero sasabihin ko ulit na masarap ito at talaga namang nakakabusog. Pulido.

Minu-minuto kami nagtataas ng kamay para sa everyday grasya. Ansarap.

Pangatlong araw kaya hindi halos kami natulog. Sa araw na ‘to naganap ang speak up kung saan kaming mga fourth year na estudyante ay magpapaalam na sa aming mahal na paaralan.

Syempre. Hindi pwedeng hindi ako magsalita. Mahiyain akong tao. Hindi ko ugali na sabihin kung ano ang nasa loob ko. Kung ano man ang nararamdaman ko, itinatago ko lang at ipaparamdam ko na lang ng palihim sa mga taong gusto kong makaramdaman.

Sa pagsasalita ko, napaiyak ako.

Unexpected.

Sabi ko sa sarili ko nung una, hindi ako iiyak. Ang corny naman kasi kung iiyak ako sa harapan.

Una. Hindi talaga ako umiiyak nung mga kaklase ko pa lang ang binabanggit ko. Parang wala naman kasing dapat iyakan sa kanila (talagang wala). Oo, mami-miss ko sila pero parang wala akong makitang rason para iyakan ko sila. Parang kahit na ilang taon ko silang nakasama at ngayon na magkakahiwa-hiwalay na kami, hindi ko magawang iyakan sila. Ewan ko kung bakit.

Pagbanggit ko sa pangalan ng homeroom teacher ko. Tumulo ang malalaking luha sa mata ko. Siya lang ang nakitaan ko ng rason para iyakan. Siguro magagawa kong magpaalam sa lahat at mabibilis na mawawala sa isip ko ang ibang tao pero ‘di ang homeroom teacher ko.

Isa siyang malaking parte ng buhay ko kahit ‘di kami masyadong nagkasundo nang una ko siyang nakilala. Pero nagkamali ako ng pagtingin sa pagkatao niya. Mabait siya at talaga namang masasabi mong favorite teacher kahit madalas mamahiya.

Mami-miss ko siya. Sigurado ako.

Marami ring nagsalita sa speak up session. Hindi lang ako. Lahat kami ng mga kaklase ko, naglabas ng kung ano man ang dapat ilabas. Kung kailangang kapalan ang mukha, sige lang. Minsanan lang naman ‘to.

Pero hindi lang drama ang nagaganap sa speak up session. May comedy din. At may sayawan na rin kung gusto mo. Kakaiba ata ang nagsasayaw habang nagsasalita habang umiiyak. Instant comedy ang naganap kahit na nagda-drama na siya sa harap.

Madaling araw na kami pinatulog dahil last day na kinabukasan.

***

Hindi na ko nagsabi ng “shoot. Total harassment” kinabukasan dahil hindi kami ginising ng maaga. Yung mga ayaw nga gumising, ayos lang. Yung mga ayaw mag-almusal, ayos lang din.

Ginagawa na namin lahat ng pwede naming i-enjoy lalo na kaming mga fourth year. Hindi na kami babalik sa lugar na iyon sa susunod na taon.

Nag-swimming kami. Hindi lang isang oras kundi apat na oras na. alas-ocho hanggang alas-onse. Sulit.

Kaso mo, sa last day ng swimming. May masamang nangyari. Isa sa mga lalake ay naaksidente….

…Aksidenteng nakakita ng personal usage ng mga babae. Maraming nag-alisan sa pool at maraming nagtawanan. Hanggang sa mga sandaling ‘to, hindi namin alam kung kanino ba ‘yun. Mamangha ka pag may umamin.

Natapos ang last swimming. Nag-paalam pa ko sa tubig na ‘yun dahil alam kong hindi ko na siya malulusungan. Malulusungan man, matagal pa. Siguro graduate na ko ng kolehiyo.

Naging madamdamin ang pag-alis ko sa lugar na iyon.

Tinitigan ko lahat ng mga sulok sa bawat pwesto. Ang auditorium. Matagal kong tinitigan. May isa pang nagbiro sa’kin, “Huy, baka maiyak ka diyan ah! Mami-miss mo ‘to”. Tumawa lang ako. Pero aaminin kong totoo yung sinabi niya. Tinititigan ko yun dahil gusto ko talaga sulitin lahat.

Sayang lang. Nung last day, ‘di na ko kumain ng ice cream. Sayang talaga. Wala akong ice cream for the last time. Hindi ko na makikita yung canteen na ‘yun tapos ‘di ko pa sinulit. Sayang.

Nasa bus na kami. Walang nakakitang umiyak ako habang nakatitig sa labas ng bintana. Siguradong magsisisi ako sa huli na inamin kong umiyak ako bago lisanin ang lugar.Umandar ang bus. Nang mawala sa paningin ko yung lugar. Wala na. Nasabi ko pa. “Paalam, Calauan”.

No comments:

Post a Comment