Tuesday, June 2, 2009

Lovers In Sino

Nasa harapan ng computer si Kairiyuna, kausap niya ang mga ka-chatmate niya na kalog din katulad niya. Tawa sila ng tawa. Pudpod na ang mga daliri kaka-type ng “hahahahaha”.

“…tirabol nga Phucat eh! Dinidiskartehan ko na nga! Wahaha!” Sabi ni Nastyboy. “Unahan na kita timang ah!”

Tawanan sila Kairi.

Masayang nagcha-chat ang magkakaibigan na sina Rhodie, Kairi, Nastyboy, at si Phucat tungkol sa mga tukmol nilang ka-love life. Halos gabi-gabi sila nag co-conference sa Yahoo Messanger at minsan sa Sino Chat Lounge kung saan madalas talaga sila tumambay at kung saan nabuo ang barkadahan nila.

“Hindi ka pasado sa standards ‘nun, boy! Wahaha.” salitype naman ni Phucat, may kasama pang smiley na nakadila. “Chaka, meron ka na! paubaya ka naman!”

Tawanan ulit sila sa pamamagitan ng pagsasalitype ng “hahahaha” sa chatbox. Pero Si Kairi, tahimik lang. Hindi gaanong nagsasalitype at parang araw lang na lulubog, lilitaw sa loob ng chatroom.

“Kai, tahimik ka ata.” Sabat ni Rhodie. “Wag ka mag-alala! Mahal ka ‘nun! Wahahahaha!”

Tumawa lang si Kairi. “May iniisip lang kasi ako, takte, bakit naman kasi lovelife usapan niyo?”

“Whooshooo! Wala ka bang lovelife hah?” tanong ni Phucat. “Wag mo kasi ako masyado isipin, love naman kita.”

“Timang!” Sagot ni Kairi. At tumawa si Rhodie at si Nasty.“Feeling mo naman! ‘Di ka pasado sa’kin noh!”

Ilang minuto nagkaron ng kapayapaan sa loob ng chatroom. Masaya si Kairi sa mga nakilala niyang ka-chatmates. Mga may idad na ‘to at nagtatrabaho na. Yung iba may asawa’t anak na. Pero ‘yun nga ang gusto ni Kairi, ayaw niya makipagkaibigan sa mga kaidad lang niya dahil alam niyang kapag mga kaidaran lang niya ang kakaibiganin niya, wala pang isang linggo, manliligaw na.

Kung ayaw niyang maging ka-chat ang mga kaidaran niyang madalas na desperado, mas lalong ayaw niyang paligaw sa mga ito. At ‘yun nga ang iniisip niya sa mga sandaling tahimik ang daliri niya sa chatroom.

“Ate Rhodie!” Biglang salitype niya. “Saan na kayoooooooo??”

“Nandito ako Kairi, my loves.” Sagot ni Rhodie. “Bakit?”

Nag type si Kairi ng smiley na nakangiti. Parang may binabalak na masama yung smiley.

“Eh, kasi…” Paputol-putol na nagsasalitype si Kairi. “Si ano…”

“Wahahahahaha!” Tawa ni Rhodie. “Kasi si ano, in-ano ung ano tapos ano yung ano!”

Natawa lang si Kairi. Halatang hindi salat sa sense of humor ang mga ka chat mate niya. Alam niyang walang maipapayong maganda sa kanya ito. Naalala pa niya nung heartbroken siya, hindi pa niya kakilala ang mga ito, at inaasahan niyang papayuhan siya ng mga ‘to. Pero, lalo lang siyang inasar nila Rhodie. Tandem sila ni Nastyboy sa panti-trip.

“Eeeeehhh!!” Sagot ni Kairi, bago pa siya masapawan ng narrator. “Seryoso ako Rhodie! Si Botoy kasi, nanliligaw sa’kin!”

“Pano ko, my loves?”

Napa buntong hininga lang si Kairi sa kinauupuan niya. Tama ang hinala niya na wala naman matutulong ang mga kalog niyang ka-chat.

“hayyz…wag na nga!” Type ni Kairi na may kasunod na straight face smiley. Yung ganito,K.

“Eh ano naman kung nanliligaw sayo si Botoy?”

“Ang totoo nyan, di ko nga alam kung totoo yung panliligaw niya eh! Malay ko ba kung pinagti-tripan lang nila ko ni Amaw!” Sabi ni Kairi.

“Nandito lang naman ako Kairi!” Trip nanaman ni Rhodie. “You know I will always love yah beybeh! Wahahahah!”

“hehehehe…sige Rhodie, sandali lang ah! Brb muna ko.”

“ok.”

Pinatay na ni Kairi ang computer at nagpunta sa kwarto niya at ‘dun siya nag day dreaming. Iisa lang ang mababasa mo sa utak niya, si Botoy.

Nasa mall si Kairi, ka-holding hands niya si Botoy. Panay ang ngiti nito sa kanya. Pero wala si Botoy sa ngiti niya, dahil abot ng tenga yung sa kanya. Magkahawak ang kamay nila buong araw. Pawis na nga yung kamay nila. Mga pasmado pala. Nagtinginan sila sa isa’t isa. Si Kairi, mahinhin lang tumingin. Unti-unting lumapalit ang mukha ni Botoy sa mukha niya…

“Kairi, gising na!” Tawag ng nanay niya. “Kumain ka na ba?!”

Napakunot noo lang si Kairi. “Takte, panaginip lang pala!”

“…Wala pa ba si Botoy?” Tanong ni Kairi.

As usual, nasa harapan nanaman siya ng computer. Prinsesa ng Sino Chat Lounge si Kairi. ‘Di papatalo.

“Nag CR sandali!” Sagot ni Amaw, isa pa sa mga kalog niyang ka-chatmate. “Bakit mo hinahanap?”

Napangiti si Kairi sa upuan niya. “Wala!”

“Nandito na siya oh,” salitype ni Amaw. “May hindi ba ko alam? Abot tenga ngiti nitong si Botoy oh!”

“Hi Kai!” Biglang sumulpot si Botoy sa chatbox kasunod nito ang smiley na parang yayakap.

“Hi botoy!” Sagot ni Kairi, kaso yung smiley niya, hindi lang yayakap. Ki-kiss pa.

“Sweet naman! Naihi ako dun ah!” Sabat ni Amaw. “Wahahaha!”

“…hehehehe” tawa ni Botoy.“Kamusta ka na Kai?”

“Ayos lang ako,” Pa hinhin effect ni Kairi. “Ikaw?”

“Ok lang din.”

Napapangiti si Kairi. Masaya siya dahil kausap nanaman niya ang sinisinta niyang si Botoy kahit ‘di pa niya ‘to nakikita sa personal, sa litrato pa lang.Pero nararamdaman niya kasi na mabait na lalake si Botoy. At alam niyang pag nagmahal ‘to, hindi magsisisi ang mamahalin ni Botoy.

“Kai,” Tawag ni Botoy sa kanya.

“Bakit?” Ang laki na ng ngiti ni Kairi. Halos mapupunit na yung labi niya.

“Wala lang, bakit ‘di ka nagsasalitype?”

Pa-twitums na sumagot ang lola. “May ginagawa lang kasi ako.”
“Mamaya mo na gawin ‘yan Kai!” sabi ni Botoy. “Chat na lang tayo.”

Wala na. Punit na talaga ang labi ni Kairi. Tumawa siya ng malakas. ‘Di na niya nakontrol ang emosyon. Tuwang tuwa siya dahil gusto siya kausapin ni Botoy. Pero ‘di maalis sa isipan niya na talagang kaibigan lang ang turing nito sa kanya. Wala siyang lakas ng loob para tapatin si Botoy. Hindi nila alam ang nararamdaman nila para sa isa’t isa. Ang korny nila.

“Oh sige! Hehehehe.” Sagot ni Kairi, bago nanaman siya masapawan ng narrator.

“Anong ginagawa mo?” Tanong ni Botoy.

“Wala, kinig lang music.” Alam mo na kung sinong sumagot. “Ikaw?”

“Chat sayo, chaka work.”

Puno na sana ng saya ang araw ng musmos na batang babae kung hindi niya naalala na may assignment pa pala siya na dapat gawin.

Asar talaga! Bakit kasi kailangan pa ng homework? Napaisip si Kairi. “Botoy, kailangan ko na umalis. May gagawin pa kasi ako eh!”

Kailangan niya na umalis pero ayaw pa niya talaga. Parang tutulo na ang matatabang luha sa mata ni Kairi. “Kainis kasi, ang dami magbigay ng assignment ng mga teachers!”

“Ah sige, Kai!” Parang malungkot na sagot ni Botoy. “OL ka ba maya?”

“Tignan ko kung maka computer pa ko!” Sabi ni Kairi. “Baka sabunutan na kasi ako ng nanay ko! Lagi ako nasa harap ng computer! Wahahahaha!”

Natawa lang din si Botoy. “Sige na Kai, medyo busy din kasi ako eh. Mamaya online ka ah? Geh, bye! Mwahhh!”

“Bye bye den! Mwahh!”

Nag tuturo ang guro sa harap. Nagsusulat sa pisara at daldal nang daldal. Tahimik ang buong klase. Tahimik din si Kairi, pero hindi siya nakikinig sa leksyon. Iisa lang ulit ang mababasa mo sa isip niya. Si Botoy nanaman.

Natapos ang diskusyon. Lunch break na nila. Pini-pep talk si Kairi ng mga kaklase niya. Pansin kasi nila na wala siya sa sarili niya nang mga nakaraang araw.

“Ano bang iniisip mong babae ka?” Tanong ni Laila. “Parang tahimik ka nitong week na to ah! ‘Di kami sanay.”

Sumingit pa ang isang epal na kaklase nila. “Ano nga ba? O sino?”

Si Kairi, Hindi pa rin umiimik. Parang wala siyang narinig. Sa halip, iba ang sinagot niya sa mga kaklase niya. “Gutom na talaga ko. Ano kayang ulam ko ngayon?”

Pag uwi ni Kairi sa bahay nila, umakyat muna siya sa kwarto niya para magpahinga sandali. Pagod siya at wala siya sa mood. Iniisip niya si Botoy. Sa tingin ko, mahal ko na si Botoy. Kasi hindi ako magkakaganito kung gusto ko lang siya. Inisip niya. Pero paano ako magtatapat sa kanya? Paano kung hindi naman siya seryoso sa akin? Baka pag nagtapat ako sa kanya tapos kaibigan lang niya ko, malamang iiwasan na ko nun! Asar talaga!

Pumunta siya sa study hall nila at binuksan ang computer. Umiral nanaman ang pagka adik. Pagpunta niya sa chatroom, sakto, nandun lahat ng kalog chatters. Sina Rhodie, Phucat, Nastyboy, Amaw, at si Ehjay. Syempre hindi naman niya isinasama si Botoy bilang kalog. Pero present din ‘to sa chatroom.

“Malas!” Sabi ni Kairi sa sarili. “Ngayon nga ko magtatapat, nandito naman sila lahat! Malamang malalakas ang amats ng mga ‘to ngayon! Aasarin nila ako pag nagtapat ako na nandyan sila!”

“Hi Kairi!” Sulpot ni Nastyboy. “Kiss ko?”

“Wahahahaha!” Sabay tawa si Rhodie. “Ako den, kiss ko?”

Sumunod na si Phucat sa panti-trip. “Eh ako? Ako dapat mauna! Jowa ako nyan eh! Wahahahaha!”

“Wahahahahaha” Yan na lang ang nasabi ni Amaw.

“Ehehehe…” Eto naman kay Botoy.Si Ehjay wala, naka parkmode lang sa chatroom. Malamang kumakarir pa.

Madalas napapatawa ng mga kalog at tawa gang chatters si Kairi, pero hindi ngayon. Wala siya sa mood at si Botoy lang ang gusto niyang kausapin. Nakakunot ang noo niya at parang gusto niya kaltukan ang mga ka-chatmate.

“Mamaya na yung kiss nyo!” Sabi ni Kairi na halatang wala sa mood. “Nasan si Botoy?”

“Nandito ako Kai,” Sagot ni Botoy.

“Botoy, usap tayo.” Anyaya ni Kairi. “Busy ka ba?”

Nag type si Botoy ng smiley na nakangiti. “Hindi naman masyado Kairi, wala kasi si boss dito eh! Hehehe.”

“Ahhh, usap nga tayo.”

Sumingit nanaman si Rhodie. “Bakit kayo lang, Kairi, my loves? Selos naman ako.”

Napatawa si Kairi ng mahina. “May seryoso lang akong sasabihin kay Botoy.”

“Oy Botoy!” Singit pa ni Phucat. “Anong pinaguusapan niyo ng jowa ko?”

“May hindi tayo nalalaman.” Sabi ni Amaw. “Sila na ata.”

Napangiti si Kairi. Kung tutuusin, dapat mainis ako sa sinabi ni Amaw. Pero parang natulungan den niya ko para magkaron ako ng pagkakataon magtapat kay Botoy. Nabuksan ang topic. Naisip ni Kairi.

“Kai, paano na ‘ko?” Hindi talaga papahuli si Nasty sa tandem ng mga kalog.May kasama pang smiley na nakadila.

Hindi nagsasalitype si Botoy. Tahimik lang siya. Tahimik lang din si Kairi. Parang pareho silang kumukuha ng chempo para magkausap ng silang dalawa lang. Nagulat si Kairi nang lumitaw ang isang private message box na galing kay Botoy. Hindi niya na kinibo ang ibang ka chat. Si Botoy na lang ang kinausap niya.

“Oh bakit?” Sagot ni Kairi sa PM box.

“Dito na lang tayo mag usap.” Sabi ni Botoy. “Hindi tayo makakapagusap ng maayos na nandyan sila. Magulo eh. Hehehehe.”

Hindi na ngumiti si Kairi. Kita sa mukha niya na talagang seryoso siya. “May sasabihin kasi ako sayo eh.”

“Hmmm? Ano ‘yun?” Parang may inaasahan din si Botoy.

“Magaglit ka ba….” Putol-putol na sagot ni Kairi. “Kung sabihin ko sayo na mahal kita?”

Biglang lumalim ang pag hinga ni Kairi. Inihanda niya ang sarili sa kung ano man ang isasagot ni Botoy sa kanya.Hindi niya napansin na bigla na lang tumulo ang luha niya. Nanlamig ang mga kamay niya at kinakabahan siyang nag aabang sa sagot ni Botoy.

Hindi na rin niya namalayan na napapaisip na siya sa nakaraan. Naisip niya ang mga lalake na minsan na rin niyang minahal, pero sinaktan lang siya. Inisip niya kung ilang beses din siyang nagpakatanga nuon, na ngayon ay sa tingin niyang bato na ang puso niya para gawin ulit ang kalokohan na nangyari sa nakaraan. Nag dalawang isip siya kung tama ba ang ginawa niyang nagtapat pa siya kay Botoy. Takot na si Kairi na masaktan ulit. Ilang buwan na siyang hindi umiiyak dahil sa lalake. At ayaw niya na ulit maranasan na patuluin ang luha dahil sa walang kwentang pagmamahal na alam niyang hindi pa naman niya kailangan sa idad niya. Pero alam din niya na hindi niya kaya pigilan ang puso. At ngayon, wala na siyang magagawa kundi tanggapin kung ano man ang susunod na mangyayari. Wala na. Lumabas na ang demonyo na matagal nang nagtatago sa puso niya. Nailabas na niya ang nagpapabigat sa loob niya. At handa siyang harapin ang kahit ano pang mas mabigat na kapalit nito.

“Kairi,” lang ang tanging naisagot ni Botoy.

“Pasensya na kung may nasabi akong masama, Botoy.” Pinangunahan na ni Kairi. “Nilabas ko lang talaga kung ano yung nasa puso ko. Hindi naman ako manghihingi ng kapalit. Sinabi ko lang sayo para gumaan na yung loob ko.”

Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha ni Kairi galing sa mga mata niya. Pakiramdam niya parang kinurot ang puso niya. Parang ayaw na niyang malaman ang kung ano man ang isasagot ni Botoy sa kanya.

“Kairi,” Tawag ni Botoy sa kanya.

“Bakit?”

“Mahal din kita.” Sabi ni Botoy. “Sa wakas, nailabas ko na din.”

Makalipas ang ilang araw, masayang masaya si Kairi. Nagsisisi siya kung bakit hindi niya sinabi ng maaga ang lahat kay Botoy. Sana nuon pa lang, masaya na sila.

Nasa chatroom sila. At kinakanchaw sila ng mga kalog na ka-chatmate nila. Pero balewala lang sa kanila. Hindi na mahalaga ang mga kanchaw ng kung sino man para sa kanilang dalawa. Alam nilang walang makakahadlang sa pagmamahalan na binuo nila.

Hanggang sa mga oras na ito, masaya sila sa takbo ng relasyon nila.

“Parang fairy tale lang ang nangyari.” Sabi ni Kairi sa sarili niya. “Ngayon alam ko na posible din talaga ang mga akala mong imposible.”

–Wakas–

(paalala lang ni Kairi : Ang lalaking nasabi sa kwento ay ang kasalukuyang kinamumuhian niya ngayon at isinusumpa! WAG MO NA ALAMIN KUNG BAKIT!)

No comments:

Post a Comment