Nag-alarm na ang orasan. Sumikat na ang araw na parang nakita ko pang ngumiti ito sa’kin. Pumasok na ang nanay ko sa kwarto para gisingin ako.
“Hoy, gising ka na d’yan!” Gising sa’kin ng nanay ko. “Anong oras na oh?”
Asar. Parang kailan lang, pakalat-kalat ako sa bahay ng naka-salawal lang. Parang kailan lang, nagsisimula pa lang akong matuto ng ABC’s. Parang kailan lang, mataba pa ‘yung homeroom teacher ko. Parang kailan lang jumebs yung kaklase ko sa upuan niya. Parang kailan lang, tinawag ako ng teacher ko para basahin ang salitang igloo.
Masarap ang pre-school life. Alagang-alaga kayo ng mga kaklase mo ng bawat guro. Ramdam na ramdam mo ang pagiging musmos mo at ang pagiging inosente mo sa tunay na buhay. Pero hanggang ‘dun lang. Pag nalampasan mo na raw ‘yun, hindi ka na bata.
Bumangon na ko sa higaan ko at parang pasan ko ang problema ng mundo nang maligo ako. Ang sama ng mukha ko habang nagbibilang ng 1-10 bago ibuhos ang malamig na tubig sa katawan ko. Nang ibuhos ko, gising na nga ko. At alam kong hindi ako nananaginip. Grade 1 na nga ako!
First day. Kaya hindi muna ko sumabay sa school bus ko. Hinatid muna ko ng nanay ko para tulungan akong hanapin ang room ko. Bagong school na sobra sa lawak. Ayaw naman ng nanay ko na maligaw ako. Mahal pa niya ko kahit paano. J
Nakita ko yung mga kaklase ko. Ang dami pala namin. Nakita ko rin ang lalakeng nagpatibok sa puso ko (bata pa lang ako, nag uurag-urag na ko). Maraming maganda sa mga babae at marami rin namang gwapo sa lalake. May mga halatang may kaya, halatang mahirap, halatang masungit, at halatang friendly.
Natapos ang pagmumuni-muni. Papasok na kami sa classroom. Hiniling ko pa nga na sana makita ko yung matabang mukha ng homeroom teacher ko sa loob kaso…wala na. Iba na talaga.
Alam natin na sa unang araw, laging may introduction. Ritwal ng paaralan pag unang araw. Pumunta kami isa-isa sa harap at nagpakilala. Marami kami sa isang section, kaya antagal bago ako natawag. Sa likod kasi ako umupo ‘nun. Hindi ko malilimutan.
Pag punta ko sa harap…
“My name is Juliefer C. Macaraeg. I live at (secret). I am 6 years old already. My birthday is on January 21…”
Napaisip ako.
Si teacher at isang damukmok na mukha ng mga maliliit na bata ang nag-aabang.
“Yes?” Sabi ni teacher.
Tahimik lang ako. Pagkalipas ng ilang segundo, umupo na ko.
Nung mga panahon na ‘yun, hindi ko pa alam kung anong taon ako ipinanganak. Muntik ko pang sabihing January 21, 1999.
At sa mga ganung pagkakataon na natatahimik ako, pakiramdam ko, kahiya-hiya ako. Muntik pa kong umiyak sa unang araw ng pasukan.
Ikalawang araw ng pasukan.
Panghapon ang section namin. Kaya walang problema. Tanghali na ko ginigising ng nanay ko. Ayos.
Pag gising ko. Naligo agad ako. At nagbilang nanaman ng 1-10 bago ibuhos ang malamig na tubig sa katawan ko. Pagkatapos, kumain ako, at sinundo ng school bus. Pero hindi ulit ako sumabay. Hinatid pa rin ako ng nanay ko papuntang school.
Pagdating namin. Andami nang nakapilang bata sa harap ng pintuan ng classroom namin. Marami ring nanay na mukhang libang na libang sa pagpapalitan nila ng talambuhay kasama si Boy Abunda. Nakakainis. Kasi iba sa mga kaklase ko ‘nun, nakita ko pinagbubulungan ako. Hindi ako palaban at gago nung bata ako, kaya parang takot ako sa mga ganung mga pangitain. Natatakot ako na baka hindi pa nga umaabot ng tatlong araw ang pasukan eh magkakaroon na ko ng kagalit.
Hindi ko nalang sila pinansin. Yumakap ako sa nanay ko.
“Uwi na tayo!” Sabi ko sa nanay ko na may kasama pang paglalambing. Nginitian ko pa siya.
Naasar yung nanay ko. “Susmaryosep naman, Olie!”
Asar din ako sa kanya. Ayoko ng ganoon ako kinakausap ng nanay ko pag sa harap ng ibang bata. Gusto ko malambing lang. Baka sabihin nila kawawa naman yung bata, pinagagalitan. Ayoko pa naman ng kinaaawaan ako. At ayokong tinatawag akong Olie. Ang baho pakinggan. Gusto ko Julie. Para naman sosyal kahit paano. Yung nanay ko kasi, walang sense of taste.
Malapit na mag alas-dose. Malapit na kami pumasok sa classroom.
Nung makita kong pumapasok na yung mga kaklase kong nasa harap ng pila, nagsimula na kong umiyak. Pinagtinginan ako ng mga nanay at mga anak nila. Nakayakap ako sa nanay ko at nakikiusap na parang ipapa-patay ako.
“…Parang awa mo na, mama. Uwi na tayo!” May kasama pang hagulgol at pagpunas ng gumuguhit na uhog sa ilong ko.
“Aaay, Olie hah?!” Sigaw ng nanay ko. “Sige na! Pasok ka na. Magagalit na yung teacher nyo oh!”
Lalo na kong nahihiya. Parang sasabog na yung tenga ko sa pula. Pero wala na kong pakielam nun. Maiuwi lang ako sa aming humble abode. Pero ‘di rin ako nanalo. Papasok na ko sa classroom. Hinihila na ko ng teacher ko.
Badtrip.
Sa Grade 1 ako natutong mag-cursive writing. Sa CLE subject namin. Ayoko nung teacher namin sa subject na ‘to. Ang panget ng mukha niya tapos butas-butas pa. Iispin mo na beehive ‘yun sa lalim ng mga butas. Para siyang nangangain ng bata sa sobrang taray. Kala mo mga highschool students ang pinapagalitan niya. Hindi niya alam na walang kwenta sa mga bata ang sinasabi niyang pangaral dahil ang lalim niya magsalita. Kala mo makata. Daig pa si Balagtas. Ang kulang na nga lang niya eh mga dahon sa magkabilang tenga. Pero Balagtas ang naging pagkakakilala ko sa kanya.
Pinakopya niya sa amin ang isang topic na naka-cursive. ‘Di ko mabasa. Kung ano na lang itsura ng mga nakasulat sa pisara, ginagaya ko. Yung sulat ko parang mga tali lang ng balloon na pinag buhol-buhol. Tapos mukhang mga cocoon yung bilog-bilog. ‘Di ko alam kung mababasa yun ng teacher ko pag nag check siya ng notebook. Eh problema naman niya ‘yon.
Nung Grade 2 ako. Second section ako. Lagi naman eh. Kahit nung Grade 1 ako. Medyo ayos yung performance ko. Tapos nagkaron ako ng confidence na hindi lalagpas ng isang sentimetro.
Mas marami akong kinainisang teacher. Lalo na yung Math teacher ko. Mas panget pa siya kesa kay Balagtas. Nakakatakot pa yung labi niya na pag hinalikan mo siguro eh masusugat ka sa sobrang tulis. Kahit nga sarili niya mismong labi eh sugat na sa sobrang pula. Ang kapal ng lipstick ng inday. Ang chaka. Binansagan ko siya bilang Kissa. Walang nakakaalam sa bansag ko sa mga teachers ko nuon. Ako lang pati yung ka-service ko ring gago.
Dito sa level na ‘to ako nakapagpahinga. Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ng nanay ko at hindi ako pinapasok ng halos dalawang buwan. Hindi ko talaga alam. Malakas din pala ang trip ng nanay ko paminsan-minsan. Pag tinamad siya, dapat tamarin na rin kami.
Dalawang buwan akong walang ginawa sa bahay. Instant bakasyon ang naranasan ko.
Sa muling pagpasok ko naman pagkatapos ng dalawang buwan na ‘yun eh parang isang araw lang akong nawala. Nagulat ang mga kaklase ko sa’kin ng isang segundo tapos normal na ulit. Hinanap ako ni Kissa. Bakit daw wala akong record ng quizzes sa kanya. Pero ‘di siya pinansin ng klase. ‘Di ko rin pinansin. Kaya tumigil na siya. Inisip na lang niya siguro kung sino yung susunod niyang huhugutan ng lakas sa darating na gabi.
Badtrip lang. Dalawang buwan akong nawala kaya pagbalik ko, wala na rin yung upuan ko. ‘Yun. Tinamaan ako ng magaling. Upuang walang lamesa tuloy ang pansamantalang ipinagamit sa’kin.
Naka-dalawang bakasyon ako sa Grade 2. Ang saya. Walang ganyan sa ibang school.
Maraming pangyayari sa Grade school level ko sa school na ‘yun ang nakalimutan ko na. Nakalimutan o sadyang kinalimutan. Meron pang pangyayari na napalitan ang Hekasi teacher namin dahil sa’kin. Naging issue yun ng ilang weeks sa Grade 5. Hanggang ngayon, ako lang ang nakakaalam ng totoong nangyari. Yung dahilan na alam ng lahat eh isang malaking kasinungalingan lang. Pero ibinaon ko na ‘yun kasama ng pagbaon ko sa mga masasamang alaala.
Isinusumpa ko ang principal ng school na ‘yun. Pati yung grade school lever leader nila. Lahat ng humamak sa’kin dahil lang hindi ko natapos ang signing of clearance. Eh ano bang magagawa ko kung mga ala-Hollywood Celebrities ang teacher namin na sobra kung magpahabol? Ano bang magagawa ko kung hindi na ko pinabalik ng nanay ko nung summer para ma-kumpleto ‘yun? Sa dahilan lang na ‘yun kaya nalipat ako sa bagong school nung Grade 6 ako.
Hindi inaasahan na hindi pala ko magtatapos sa school ko ever since na grade school ako. Pero aaminin ko na mas heaven angbago kong school kesa dati. Kahit istrikto ang mga guro, hindi naman sila mahirap kausapin pag may problema ka.
Masaya sa bago kong school. Kakaunti lang kami sa iisang classroom at wala na ring mga section-section pa. Nakahinga ako ng maluwag dito kahit na ang simula ko eh medyo panget.
Grade 6 room. Nagulat ako dahil onti lang kami. Hinihintay ko ang iba pang mga tao na dumating pero wala nang pumapasok sa room namin. Doon ko nalaman na kakaunti lang talaga kami. Asar ako nung unang araw dahil pinagaasar ako ng mga lalake naming kaklase. Yung confidence ko pa naman nun, umabot na ng isang sentimetro.
Pero sa school ko na ‘to. Onti man ang tao, mga palaban at ‘di salat sa sense of humor naman sila. Kahit mga simpleng bagay at kahit sa pag-aaral eh pwede mong lagyan ng kalokohan.
Yung Grade 6 Math teacher namin nuon ang tumatak sa isip ko.
Isa siyang maliit at maitim na lalake. Magaling siya sa Math. Hanga ako pag nag solve ng word problems. Pero ang hindi ko maintindihan eh ang utak niyang may tumor daw. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung chismis lang ni Pia Guanio yung tumor na ‘yun o totoo. Pero kasi, kakaiba rin talaga yung utak niya. Takot ako sa kanya. Pakiramdam ko nakakabasa siya ng isip. Maraming pagkakataon kasi na nababasa niya kung ano talaga yung laman ng utak ko. Minsan, nababasa ko rin ang laman ng utak niya.
Sa madaling salita. Nag iingat ako mag-isip ng masama tungkol sa kanya tulad na lang pag iniisip kong napakalaki talaga ng tiyan niya.
Madalas ako umiyak nuon lalo na pag first period tapos absent ako kahapon. Binabalahura ako ng homeroom teacher namin tapos wala akong palag. Masakit siya magsalita. Tagusan. Pero nasanay din ako.
Kahit na masakit magsalita ang homeroom teacher ko, mabait siya. Masarap siyang kasama pag good mood. Lalo na sa galaan. Para lang siyang bagets na alam lahat ng good spot sa isang lugar. Magaling din siya pagdating sa mga programs. Hindi ko malilimutan nung field demo namin. Kami na siguro ang pinakamagandang presentation nuon.
Gumraduate din ako. Ang sarap pala sa pakiramdam. First time ko gumraduate. Hindi na kasi ako nag-prep kaya di ko naranasan mag martsa. Hindi ko malilimutan ang nag-iisang medalya ko sa naganap na Graduation. Best in Music.
Sabi ng kapatid ko, tanso lang daw ‘yun. Naiinis ako pag sinasabi niya ‘yon. Pero ngayon paniwalang-paniwala na ko sa kanya kasi nangitim yung medalya. Eh yung ibang medalya ko. Hindi naman.
Highschool Life. Mas mahirap pa pala kesa sa inaasahan ko. Pero masaya ako kasi dito sa level na ‘to tumaas ng husto ang confidence ko. Isang sentimetro, napunta sa hanggang walang katapusang kawalang-hiyaan. Hindi ko alam kung bakit pero sa tingin ko madali kasing kaibiganin ang mga kaklase ko lalo na at onti lang din kami. Mas naging malapit ako sa kanila.
Dito ko nakilala ang matalik kong kaibigan. Akala ko nung una, kasing taray siya ni Rufa Gutierrez. Mabait naman pala siya. Sa First Year Highschool ko din hindi malilimutan ang nangyaring pagparusa sa mga tarugo kong lalaking kaklase dahil lang sa salitang VAUES na dapat VALUES. Hindi ko malilimutan ang mga malalaking luhang tumulo sa mata ng aking kaawa-awang kaklase.
Second Year Highschool ang pinaka-masayang part ng high school life ko. Isang kengkoy na homeroom teacher ang napunta sa amin at talaga namang paborito kami ng lahat ng guro. Pinagmamalaki kami palagi. Akala ko nga madi-discover kami ni mother Lily tsaka ni Manay Lolit.
Masaya ako araw-araw sa pagpasok kahit na madalasan pa rin kung umabsent at binabalahura pa rin ni ex-homeroom teacher kahit pa hindi niya na ko pag-aari. Nasanay na nga lang ako. Hindi ko na minsan maramdaman ang mga salitang tagusan sa katawan ko.
Sa level na ‘to ako nagkaron ng first love na hindi naman talaga first love. First love lang sa’kin kasi ignorante ko pagdating sa mga ganyang usapan noon. Sabi nila. Bakit daw ang first love ko hindi ko naman mahawakan? Hindi ko daw makita kahit kaluluwa lang. Hindi ko nga alam ang itsura niya. Sa text lang kasi ‘yun. Binilan na ko ng cellphone ng nanay ko.
Nakipaghiwalay din ako agad. Iniyakan ko pa ‘yun. Hindi ko malilimutan. Sa Grade 5 room ngayon. Sa may bintana malapit sa sulok. Dun ako nakatayo at nag ala-Claudine Barretto kung mag-emote. Ang lakas din ng amats ko. Hindi ko nga alam ang itsura ng hinayupak na iniyakan ko. Pero nung 3rd year ako, tapos nakita ko yung mukha niya sa aksidenteng nabuksan ko ang Friendster niya. Ayos lang. Pwede na siyang kuning modelo ng mga vulcanizing shops. Nagsisi ako na sinayang ko pa ang luha ko sa kanya.
Third Year Highschool.
Kung best ang 2nd year, worst ko naman ang 3rd year. Kung paano kami naging paborito ng mga guro noon, ganoon kami kinaiinisan nung 3rd year. Hindi ko alam kung sa homeroom teacher yung problema namin o dahil lang sa mas maraming lalake kesa sa babae ang batch namin nung 3rd year. Nadagdag kasi ang mga 7, 11 na bunganga. Walang tigil kung dumakdak. Naging gago din kasi kami nung mga panahon na ‘yun. Mas naging matigas din talaga kasi ang ulo namin na kahit dos-por-dos hindi tatalab pag hinampas mo.
Wala na kong masyadong maalala sa 3rd Year High. Hindi ko naman na-cherish ang mga memories nung mga panahon na ‘yun eh. Wala naman kasi akong mache-cherish. Hindi ko ma-figure out kung gawa ba ng homeroom teacher o namin yung gusot na dumaan sa taon na yun.
Kasalukuyan. Fourth Year Highschool.
Masaya ako ngayon na naka abot ako sa level na ‘to. Hindi ako makapaniwala na ga-graduate nanaman kami. Hindi ako makapaniwala na iiwan ko na ang paaralan kung saan ko nalaman ang tunay na buhay ng isang tao. Hindi ako makapaniwala na magkakalayo-layo na kami ng mga kaklase kong kasabay kong humarap sa hamon ng buhay. Hindi ako makapaniwala na iiwan ko na si ex-homeroom teacher na homeroom teacher ko ulit ngayon. Nakakalungkot isipin. Pero exciting pa rin kahit paano na malaman mong kaya mo pala lampasan ang hirap ng pagsubok ng highschool life.
Teka. Napapadrama tayo. Wag tayo mag drama. Paano kung ‘di pala ko gumraduate?
Kapag kolehiyo na ko. Siguradong maaalala ko ang mga ingay na ginawa ng mga kaklase ko. Siguradong maiisip ko sila habang nagtuturo ang prof. ko. Malamang maisip ko din ang mga kalokohan na ginagawa namin pag wala kaming teacher. Maiisip ko din ang mga asaran na naganap sa loob ng classroom.
Teka ulit. Nadrama na tayo. Paano nga kung ‘di ako gumraduate?
Habang gumagawa ako ng thesis, maiisip ko yung homeroom teacher ko na nagtuturo sa harapan ng classroom. Maiisip ko ang General Science, Biology, Chemistry, at Physics na itinuro niya sa amin kahit kakapiranggot lang ang natutunan ko.
Wag tayo mag drama. Paano kung hindi nga ako gumraduate?
Kapag kolehiyo na ko. Tiyak hahanap-hanapin ko ang mga kaklase ko. Yung mga araw na inabsent ko sa klase, siguradong panghihinayangan ko yun dahil mahalaga pala ang isang araw na yun para maka kuha ka ng mga alaala na dadalhin mo sa hinaharap. Kahit ang mga ‘di pagkaka-unawaan naming mga magkakaibigan ay isang mahalagang alaala din na pwede kong dalhin.
Sandali. Echoks. Wag na kasi tayo mag-drama. Nasa comedy category tayo. Fourth quarter pa ang drama.
Sa kolehiyo. Maaalala ko lahat ng dapat maalala.
Pwede pa rin naman ako bumalik sa paaralan paminsan-minsan para dumalaw. Pero iba pa rin yung araw-araw ka nandun, pumapasok, at nauupo ng ilang oras para makinig sa leksyon o kaya ma-perfect mo lang yung attendance, kahit wag ka na makinig basta may medalya ka pag Graduation kahit wala kang natutunan. Yun kasi yung ginagawa ng isa sa mga kaklase ko ngayon (wag ka maingay).
Maaalala ko kung paano ko binatuk-batukan ang mga lalaki kong kaklase na ina-asar ako. Maaalala ko kung paano sila tumawa pag trip nila tumawa. Maaalala ko yung sermon ng bawat guro.
Kahit kasuluk-sulukan ng classroom namin, kakabisaduhin ko para ramdam ko pa rin ang mga araw na lilipas. Kahit mga maliliit na bagay, dapat kong maalala. Kahit yung mga maliliit na papel sa sahig namin, yung mga basurang nagliliparan sa classroom namin pag mahangin at nakabukas ang pinto naming may doorknob pero pang props lang talaga ‘yun. Maaalala ko yung pagpasok ng isang estudyante galing sa 2nd year na biglaan habang nagle-leksyon.
Maaalala ko din yung mga trip ng kaklase ko. Madalas silang mag-pahiran ng kulangot sa isa’t-isa. Minsan nga naiinggit ako. Parang gusto ko sumali. Pero laking pasalamat ko, nagigising din ako agad pag naiisip ko yun. Madalas sila umuutot ng malakas nang di man lang nagpapa-alam. Gusto ko rin i-try. Kaso laking pasalamat ko rin pag bumabalik sa realidad ang utak ko bago pa lumabas ang hangin sa puwet ko. Maaalala ko rin yung pambuburaot nila sa baon ko.
Lahat maaalala ko. Kahit yung pusa ng school na lagi na lang buntis.
Babalik ako sa paaralan na kinalakihan ko kapag kolehiyo na ko. Makikita ko na yung mga bata ngayon na sila na yung gumagamit ng classroom namin. Mga dalaga at binata na rin sila. May mga nagmamahal na rin at nasasaktan tulad ng pinagdadaanan namin sa kasalukuyan.
Pero, minsan, naiisip ko. Oo, babalik nga ko sa isang lugar kung saan ako nakaramdam ng saya. Pero baguhin mo man ang ikot ng mundo, hindi ko na maibabalik ang panahon.
Kaya habang kasama ko ang mga kaibigan ko. Susulitin ko na ang bawat araw na lilipas.
Putik. Sabi kong wag mag-drama eh… Ano ba?
–Wakas–
Tuesday, June 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment