Wednesday, June 3, 2009

Krimeng Pusa : Tae sa Wind Shield Case

Natutulog pa siguro ako kanina nang mangyari ang pagkadiskubre ni papa sa krimeng naganap na pagtae ng isa sa mga suspek sa wind shield ng Chevrolet niya. Sabi sa akin ng nanay ko na sige daw itong dak-dak at putak bago pumasok sa opisina niya.

Tama nga naman kasi, kung sa akin yung chev na yun, hindi lang siguro dak-dak at putak ang gagawin ko, hahanapin ko pa siguro kung sino yung suspek na tumae at kung bakit sa dinami-dami ng pwedeng paglabasan ng sama ng loob eh doon pa. Hahanapin ko siya, pag nahanap ko na siya, papatayin ko... kung tao yung gumawa, kaso mo, pusa. Kung sinong pusa man iyon, walang nakakaalam. Pwedeng maipit sa kasong ito ang pusa kong si Harry, pero aba, bilang abogado niya, kaya ko siyang i-depensa laban sa mga umiipit sa kanya sa hukuman. Pilyo rin paminsan-minsan si Harry, kaya 'di ko pwedeng sabihin na talagang wala siyang kasalanan pero marami rin namang pusakal na pumapasok sa garahe namin pag gabi at ano pa nga ba? Buti sana, kung makikitulog lang, eh inaaway pa ang walang kalaban-laban na si Harry.

With that macho body of the stray cats na umaaway kay Harry, ano naman laban ni House Pet?

May nagawa rin namang kasalanan si Harry sa araw na ito. Sumuka siya sa garahe namin. Ginagawa niya na yun noon pa, pati na rin ang pag-jebs pero hindi sa wind shield. Sa garahe lang din. Sa sahig. Aba! Sa tagal na ni Harry na naninirahan sa bahay eh hindi pa niya ata nagawang tumae sa kung saan-saan. Malokong pusa, pero 'di rin tanga. Naisip ko pa nga kanina, kung nagsasalita lang siguro si Harry, minura niya ang tatay ko!

Masaya rin naman ako dahil 'di lang ako ang nagde-depensa kay Harry. Wala mang gaanong tiwala si ate (na isa ring abugado ni Harry palagi) sa pusa ko, hindi rin naman niya sinasabi na si Harry nga ang suspek. Ang kuya ko naman na kahit 'di ganoon ka-interesado sa ka-kyutan ng pusa ko, may puso rin pala at nag boluntarya pang i-kulong daw muna si Harry at lalasunin niya ang mga pusang nag-i-intrude sa bahay. Sinabi pa niyang, Oo nga naman, hindi naman proven guilty si Harry kasi may mga pusa rin na pumapasok dito!

Naks talaga, parang korte ang usapan.

Masaya ako sa suporta ng mga fans ni Harry. Hindi pala fans, naaawa lang siguro. Tignan mo naman kasi ang mukha ng pusa ko, ang kyuuuuut!

Kanina, nagkaroon ng hearing sa sala ng bahay. Tamang trip lang. Parang korte. Parang Hayden Kho crime.

Nasa ilalim ng sofa si Harry at hindi ko intensyon na ipakita siya sa publiko dahil nasasangkot siya sa isang krimen. Ika nga, malapit na kasi ang eleksyon, talagang iipitin nila ko sa husgado. Pulitika lang naman iyan eh! Parang Manny Villar lang. Anong say mo?

Pero nakita siya ni kuya, sabi niya ilabas ko daw si Harry. Hindi naman niya sasaktan. May gagawin lang daw siya.

Ano ang ginawa niya?

Ka-abnormalan...

Inilapag ang isang notebook sa sahig at itinaas ang right paw ni Harry habang ang left paw ay nakapatong sa notebook.

Umarteng parang husgado ang kuya ko. "Ikaw ba, Harry Houdini ay nangangako sa korteng ito na pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin?"

"Opo..." Aba nga naman, sumagot si Harry. Kaboses ng husgado.

Marami ng tao sa paligid. Umeksena na ang ate ko, ang sis-in-law ko, ang kuya kong panganay (na ever since talaga eh against kay Harry! Buti nga, walang kampi sa kanya ngayon!), pati na rin ang pamangkin ko. Parang korte ang eksena. Tinalo pa ang hearing nina Hayden Kho at Katrina Halili.

Vini-video ni ate ang pangyayari. Tahimik ang buong paligid at hinihimas-himas ko ang ulo ng pusa ko (syempre bilang abogado niya), nang biglang may mga pumasok na media at binuhusan ng tubig si Harry.

Tahimik kami sandali at hindi alam kung bakit iyon ginawa ng gumanap na husgado kanina nang sabay-sabay kaming nagtawanan.

Alam ko ang eksenang iyon, sikat na sikat!

Sumakay naman ang isa kong kuya sa kalokohang ito. "Arrest that man! Arrest that man! Arrest that man!" Sigaw nito at kunwaring hinuli ang nagbuhos ng tubig kay Harry.

Nang mahuli, nagbitaw ng salitang... "Baboy ang tingin ko eh!"

Nagtawanan kami.

"Pasensya na..." Tuloy nito. "Pero may kotse din ako!"

Lalo pang lumakas ang tawanan naming lahat.

Si Harry naman, feel na feel ang papel sa eksena. Nakita ko pa atang medyo kamukha niya ang totoong gumanap sa eksena during his hearing sa korte kung saan binuhusan talaga siya ng tubig.

Natapos ang malaking hearing session. Isang kalokohan.

Kahit na hindi nila ganoong masyadong pinagbibintangan si Harry, hindi pa rin naman tapos ang kalbaryo ng kaawa-awang pusa. Tingin ni papa, siya talaga ang may kasalanan at kailangan ko pa maghanda ng pang depensa mamaya pagdating niya. Syempre bilang abogado ni Harry, ako ang dapat humarap sa biktima tutal hindi marunong magsalita ang kliyente ko. Meow! Meow! Meow! Anong malay ng biktima sa eksplanasyong iyon ng suspek.

Pero ngayon talaga ay sinusumpa kong mabait na pusa si Harry. Maloko siya ng bahagya pero takot siya sa mga amo niya. At tsaka, sa tinagal-tagal na ng siyam na buhay niya dito sa pamamahay namin, hindi ka ba mapapatanong kung "bakit ngayon lang siya tatae sa wind shield ng kotse?"

Isa pa. May depensa pa ko laban tatay ko.

Sumuka na si Harry, ano pang itatae niyan? Buwahahaha!

No comments:

Post a Comment