“Nandiyan na sila ate!” Sigaw ni Mai. “Gusto ko na siya makita, mommy!”
Lumabas na rin si Mrs. Horikita, ang ina ni Mai. Hindi siya nagsalita, ngunit halata sa kanyang mukha na sabik na rin siya makita ang panganay na anak na matagal nang nawalay sa kanya.
Unang bumaba sa sasakyan si Mr. Horikita, kasunod niya ang nakatulalang babae na nagngangalang Hina.
Kagagaling lang nila sa ospital, sinundo si Hina. Matagal na itong nawalay sa kanila dahil sa tuluyan nang nawala sa sarili ang dalaga.
Noon, isang gabi, pauwi na si Hina sa kanilang tahanan. Apat na lalaki ang humarang sa kanya at dinala siya sa isang tagong lugar at doon siya pinagsamantalahan ng mga ito. Laking pasalamat naman ng kanyang pamilya na hindi siya tuluyang pinatay ng mga nanamantala pero hindi naman kinaya ng dalaga ang nangyari sa kanya. At yun nga ang dahilan ng pagkasira ng kanyang bait.
Sinalubong siya ng kanyang kapatid at ina. Pero parang wala siyang nakikita. Nakatingin lang siya sa kanilang bahay at wala siyang karea-reaksyon.
“Anak,” sabi ni Mrs. Horikita. “Sabik na sabik na kong makita ka. Matagal ka nang nawalay sa’min. Hindi ka ba natutuwa na makita ang kapatid mo? Si Mai?”
Tinignan ni Hina si Mai, sabay luhod sa harap ng kapatid at niyakap niya ito.
“Ate, na-miss kita!” Tuwang tuwa na sabi ni Mai. “Wala kong kalaro kapag umuuwi ako galing school kasi wala ka sa bahay.”
Tinignan ulit ni Hina ang kapatid at laking tuwa naman ni Mrs. Horikita nang makita niyang nginitian ni Hina si Mai.
Sumingit na si Mr. Horikita sa kanila. “Pumasok na tayo sa bahay.” Tumingin siya kay Hina. “Anak, tara na. Pumasok na tayo. Alam kong sabik ka na rin makita ulit ang bahay.”
Tumungo lang ang ulo ni Hina. Pero panatag ang loob ng mag asawa dahil nakangiti naman ang kanilang anak.
Nagtataka si Hina pagpasok niya sa kanyang kwarto. Tumingin siya sa nakangiting ina. “Matagal akong nawala, mama. Pero ang linis linis pa rin ng kwarto ko.”
Tumawa si Mrs. Horikita. “Lagi ko ‘tong nililinis, anak. Dahil sa bawat araw na dumaan, Lagi kong iniisip na darating ang araw na babalik ka dito sa bahay. Kaya tinitiyak kong malinis ang kwarto mo.”
“Salamat po.” Sabi ni Hina. “Masaya akong nakabalik na ko dito sa bahay natin. Ayoko na dun sa ospital, tinatrato nila kong parang baliw.”
Napansin ni Mrs. Horikita na parang nanlisik ang mga mata ni Hina pagkasabi niya nito. Pero hindi na lang niya pinansin ang sinabi ni Hina at niyakap niya ang dalaga. “Ayusin mo na ang gamit mo, anak. Pagkatapos, bumaba ka na at kakain na tayo.”
Iniwan na ni Mrs. Horikita si Hina. Mag isa na lang siya sa kwarto niya. Lumapit siya sa bintana at tumingin sa labas. Nakita niya ang isang matandang babae na papalapit sa kanilang bahay. Nakita naman siya nito at ngumiti ang matanda. Kumaway pa ito sa kanya at parang batang may dalang surpresa na bigla na lamang tumakbo sa pinto ng masayang-masaya.
Bumaba na si Hina.
“Mrs. Takira!” Masayang bati ni Mrs. Horikita sa matanda sabay yakap at beso dito. “May maganda akong balita sayo! Nandito na si Hina! Kanina lang namin siya sinundo.”
“Yun ang pinunta ko dito,” Sabi ni Mrs. Takira. “Sabi nga nila, dadating na si Hina ngayon. Gusto ko rin kamustahin kung ayos na ba siya. Alam mo naman na gustong-gusto ko ang batang yan.”
Tumawa si Mrs. Horikita. “Pasok kayo, Mrs. Takira.”
“Oo.” Pumasok ang matanda at nakita niya si Hina na nakaupo ng walang kibo sa sofa. “Kamusta ka na iha?”
Ngumiti si Hina sa matanda. “Ayos na po ako, Mrs. Takira. Medyo masama pa po ang pakiramdam ko ngayon, pero hindi ako baliw.”
Napatingin si Mrs. Takira sa ina ni Hina. Nagtataka naman ang lahat sa sagot ng dalaga.
Tumawa si Hina. “Nagbibiro lang po ako. Tinatakot ko lang kayo.” Kay Mrs. Horikita. “Kain na tayo, mama. Dito na rin po kayo kumain Mrs. Takira.”
“Oo.” Sagot ni Mrs. Takira. “Salamat.”
“Ate,” tawag ni Mai sa kanyang kapatid.
“Bakit, Mai?” Sagot ni Hina.
“Laro tayo mamaya.” Sabi ni Mai. “Punta tayong park. Di’ba lagi mo kong sinasamahan dun tuwing maglalaro ako?”
Ngumiti si Hina. “Gusto ko sanang samahan ka, Mai, pero masakit ang ulo ko. Gusto ko muna magpahinga.”
Nalungkot ang bata. “Ayos lang, ate.”
Sumingit na si Mrs. Horikita sa usapan ng magkapatid. “Mai, pagpahingahin muna natin si ate Hina, ha? Masama pa ang pakiramdam niya dahil sa haba ng byahe nila kanina. Si papa mo nalang ang sasama sayo sa park. Pero tapusin mo muna ang pagkain mo.”
“Opo, mommy.”
Tumugin si Mrs. Horikita sa panganay na anak. “Ayos ka lang ba, anak? Gusto mong bumili ako ng gamot?”
“Wag na po, mama.” Sagot ni Hina. Kay Mrs. Takira. “Mrs. Takira, kamusta na po kayo? Naaalala ko po si Hikki. Bakit hindi niyo po siya kasama ngayon?”
“Nasa iskwelahan pa kasi si Hikki.” Sagot ni Mrs. Takira. “Pero dadalawin ka ‘ata niya mamaya dito. Tuwang-tuwa din siya ng malaman niya na lalabas ka na ng ospital ngayon.”
“Na-mimiss ko na po kasi siya.” Sabi ni Hina. “Na-mimiss ko na po lahat ng kaibigan ko.”
Ngumiti si Mrs. Takira. “Dadating siya mamaya. Alam kong hindi ka makakalimutan ni Hikki.”
Tumungo lang ang ulo ni Hina. “Aakyat na po muna ko sa kwarto ko.”
Humiga si Hina sa kanyang kama. Nakatulala siya sa kisame ng kwarto niya at nag muni-muni. Bumangon siya at binuksan niya ang aparador niya. “Nandito pa rin ang mga damit ko.”
Kinuha niya ang isang itim na bestida na gustong-gusto niya. Tinignan niya ito sa salamin at ngumiti siya. “Na-miss ko na suotin ang damit na ‘to.”
May biglang kumatok sa kwarto niya. “Tuloy po kayo.”
Si Mrs. Horikita. “Hindi mo inubos ang pagkain mo, anak. Sigurado ka bang ayos ka lang? Puwede naman akong bumili ng gamot sa tindahan.”
“Ayos lang po ako, mama.” Sagot ni Hina. “Tignan mo mama, ang damit ko. Hindi ba ito yung gustong-gusto ko suotin palagi? Hinahanap-hanap ko ‘to sa ospital.”
“Pwede mo na ulit suotin yan, ngayong nandito ka na sa bahay.” Sabi ni Mrs. Horikita.
“Umalis na po si Mrs. Takira? Gusto ko na po makita si Hikki. Gusto ko na makita ang bestfriend ko.”
Ngumiti ang ina niya sa kanya. “Dadating siya mamaya sabi ni Mrs. Takira.”
Nakita sa mukha ng dalaga ang pagka sabik sa kaibigan. “Wala kasi akong kaibigan ‘dun sa ospital. Lahat sila kaaway ko.”
Kinabahan nanaman si Mrs. Horikita. Sa tuwing magsasalita ng ganito ang anak niya, hindi niya maipaliwanag ang takot na nararamdaman niya. Ayaw niya na sana na magbanggit pa si Hina tungkol sa ospital. Ayaw niya nang ibalik pa ni Hina ang mga nangyari sa kanya habang wala siya sa kanilang bahay. Pero tuloy pa rin si Hina sa pagsasalita.]
“Nakakainis kasi dun, mama. Kinukulong nila ko sa isang kwarto na parang baliw. Ayaw nilang maniwala na ayos na ko. Tapos tinutusok din nila ko ng karayom. Sabi ko nga, hindi ko na kailangan ng gamot dahil magaling na ko! Pero tinutuloy pa rin nila. Ginagalit nila ko dun. Nagugulo lang lalo ang utak ko.”
Napa buntong-hininga si Mrs. Horikita. “Mabuti pa anak, wag mo nang alalahanin ang nangyari sa loob ng ospital. Kaya nga sinundo ka na namin ng papa mo, dahil alam naman namin na magaling ka na.”
“Pero, alam mo mama? Aaminin ko sayo, minsan naiisip ko, hindi pa ko magaling.”
Lalo nang kinabahan si Mrs. Horikita sa sinabing ‘yon ni Hina. “Anak, wag ka nga magsalita ng ganyan.”
“Opo, mama! Naiisip ko pa rin ang nangyari ‘nung nakaraan. Kung paano ako pinagsamantalahan ng mga lalaking ‘yun.” Tuloy pa ren ni Hina. “At kapag naiisip ko’yun, nandidilim ang paningin ko. Sana nga pinatay na lang nila ko, para hindi na ko nahihirapan ng ganito.”
Umiyak na si Hina. Si Mrs. Horikita, hindi alam ang gagawin. Kinakabahan siya na naaawa rin sa anak. Pero may bumabagabag sa isipan niya. Natatakot siya sa siywasyon ni Hina. “Anak, sabi ko naman kasi sayo, kalimutan mo na ang nakaraan. Kahit na anong gawin natin, hindi na natin mababago ang nangyari na. Wag mo nang isipin ‘yun. Ang isipin mo na lang dadating na si Hikki mamaya para dalawin ka.
Huminto sa pag iyak si Hina. “Oo nga po, mama. Si Hikki. Siya lang naman ang gusto kong makita. Na-miss ko siya ng sobra.”
Kumalma ng kaunti si Mrs. Horikita.
Malapit ng mag-gabi nang dumating si Hikki. Pero ayos lang sa kanila. Dahil tuwang tuwa naman si Hina na makita ang kaibigan niya.
“Tuwang-tuwa akong makita ka!” Maligayang bati ni Hina sa kaibigan.
“Ako din, Hina.” Masayang sagot ni Hikki. “Tanong ako nang tanong kay mama kanina kung ano na ang lagay mo. Kung ayos ka na ba. Nakaka-miss kasi yung mga panahon dati kapag nanti-trip tayo sa school. Ang saya-saya natin noon!”
Tumawa si Hina. “Ano ka ba? Pwede naman mangyari ulit ‘yun ah! Kapag bumalik na ko sa school, magkasama na ulit tayo palagi.”
Masaya si Mrs. Horikita habang pinanunuod niya ang anak. Inisip niyang sabik lang talaga si Hina sa mga kaibigan niya kaya kung minsan na de-depressed siya. Pero positibo siyang magaling na ang anak niya.
Halos pasado alas-diyes na ren ng umuwi si Hikki. Sinundo na lamang siya ng kanyang kuya dahil madilim na ang daan.
Pagka-alis ni Hikki, hindi pa natulog si Hina. Tulog na ang pamilya niya pero parang ayaw pa niyang magpahinga. Pumunta siya sa sala nila at nanuod muna ng TV.
Libang na libang siya sa panunuod nang mapansin niyang parang may dumaan sa labas ng bintana. Napatingin siya rito. Hindi niya ito pinansin pero makalipas lang ang ilang minuto nakita nanaman niya ang anino na dumaan. Na-alerto at kinakabahan na siya. Umakyat na siya sa kwarto niya at doon natulog.
Makalipas ang ilang oras, nagising si Hina sa sigaw ng kanyang ina. Pumunta siya sa kwarto ng mga magulang niya at doon niya nakita ang ina na nag-hihinagpis na hawak ang malamig na bangkay ng ama niya.
Nagising na din si Mai at umiiyak na rin ito. Lumapit si Hina sa ama at niyakap niya ito. Gulat na gulat siya sa pangyayari. Umiiyak na siya.
“Mama naman! Ano bang nangyari? Bakit niyo hinayaan na mangyari ‘to kay papa?!” Hinagpis ni Hina. “Papa, gumising ka! Sino gumawa nito sayo? Sino?!”
Iyak ng iyak si Mrs. Horikita pati si Mai. Sa sobrang gulat ni Hina sa pangyayari, padabog siyang lumabas ng kwarto ng mga magulang niya at pumunta siya sa sariling kwarto.
Nakadapa siya sa kama niya habang umiiyak. Pumunta siya sa banyo para magpakalma. Pag labas niya, napansin niya ang itim niyang bestida na nakalapag sa sahig. Nakita din niya ang kama niya na may bahid ng dugo.
Natulala siya sa nakita niya at takot na takot siyang umiyak. “Hindi! Kung sino ka man! Hindi mo ko magagawang patayin!”
Parang nababaliw si Hina na hawak-hawak ang kanyang ulo habang umiiyak. “Pati ako, balak mo patayin! Sino ka ba? Bakit mo ginugulo ang pamilya ko? Bakit mo pinatay ang papa?!”
Pumasok na sa kwarto niya si Mrs. Horikita. “Anak! Ano nangyari dito? Bakit may dugo…bakit pati ang bestida mo? Bakit ang kalat dito? Ano nangyari, anak?!”
Niyakap ni Hina ang kanyang ina. “Mama, natatakot ako. Hindi ko alam kung saan nanggaling yang dugong yan! Pati yung bestida ko. Hindi ko alam, mama. Natatakot ako!”
Niyakap pa ng mahigpit ni Mrs. Horikita ang anak. “Tama na, anak. Wag ka matakot. Nandito lang ako, anak. Tama na.”
Umiiyak si Mai sa labas ng pintuan ni Hina. Lumapit ito sa kanila at sabay-sabay nilang nilabas ang sama ng loob sa nangyari sa ama.
Kinahapunan, sa burol ni Mr. Horikita. Si Mrs. Horikita, kausap ang ilang kapitbahay. Tulog si Mai sa kwarto niya at si Hina naman ay nakaupo ng walang kakibo-kibo. Lumapit sa kanya si Hikki.
“Ano ba talagang nangyari, Hina? Ano bang sabi ng mga pulis?” Tanong ni Hikki.
“Hindi ko alam, Hikki. Pero natatakot ako. Pakiramdam ko, ginugulo nila ang pamilya ko.” Sagot ni Hina habang umiiyak siya. “Hindi rin maipaliwanag ng mga pulis ‘yung dugo na nakabahid sa kama ko. Pati yung bestida ko. Hindi ko alam kung paano napunta sa sahig ‘yun. Ginugulo nila ang pamilya ko, Hikki.”
Nagulat si Hikki sa narinig. “Pero bakit ganun? Nakakapagtaka! Hindi ka pinatay kung sino man siya. Parang tinatakot ka niya.”
“Ginugulo niya kami ng pamilya ko!” Galit na sabi ni Hina. “Kung kailan naman na kasama ko na sila ulit! Bakit ngayon pa?!”
Pinapatahan na ni Hikki ang kaibigan. “Tama na, Hina.”
Pumasok si Hina sa kwarto niya para magpahinga. Wala siyang tulog ng ilang araw dahil sa pakikipaglamay sa burol ng ama niya. Binuksan niya ang aparador niya para magpalit ng damit. Napansin niyang wala dito ang bestida niya. At naramdaman nanaman niyang may dumaan sa pinto niya. Isang taong nakaitim. Ang bilis ng pangyayari. Parang isang kaluluwa lang na dumaan sa sobrang bilis nawala. Inisip niyang nahihilo lang siya sa antok.
Paggising ni Hina. Kumatok siya sa kwarto ng kanyang ina. “Mama, anong ginagawa mo?”
“Ina-ayos ko lang ang gamit ng papa mo.” Sagot ni Mrs. Horikita. “Siya nga pala, anak. Yung bestida mo, nakita ko dito sa kama, nakalagay.”
Nagulat si Hina pagkakita niya sa bestida niya. “Bakit ba kung saan-saan napupunta yan?” Kinuha niya sa kamay ng mama niya ang bestida. “Alam ko nasa aparador ko ‘to eh!”
Tumingin lang sa kanya ang kanyang ina. “At ang alam ko rin nilabhan ko na yan. Pero bakit parang madumi nanaman? Parang puro putik at mabaho.”
“Ganun po ba?” Naguguluhan na si Hina. “Hindi ko po alam, mama. Ang alam ko po talaga nasa aparador ko na ‘to. Hindi ko naman ‘to sinusuot eh.”
Pumasok si Mai sa kwarto at sumingit sa usapan nila. “Mama, ate, may nakita sina tito sa labas ng bahay. Mabaho kasi eh. May asong naka baon sa lupa.”
Nagkatinginan na lang si Hina at si Mrs. Horikita.
Tinignan ni Hikki at ni Hina ang nasabing asong nakabaon sa lupa.
“Sino naman gagawa niyan?” Gulat na tanong ni Hikki. “Nakakadire! Hindi man lang nilaliman yung hukay.”
Nakatulala si Hina. “Kawawa naman yung aso. Parang sinadyang patayin. May dugo-dugo pa.”
Tumungo lang ang ulo ni Hikki. At tumingin siya kay Hina. “Ano nanaman ang iniisip mo? Nakatulala ka nanaman dyan. Minsan natatakot ako sayo eh! Hindi ko alam kung anong iniisip mo!”
Tinignan ni Hina ang kaibigan. “Nakita ko kasi yung bestida ko kanina. Nilabhan na yun ni mama eh! Alam ko ren nasa aparador ko lang yun. Hindi ko naman sinusuot. Pero nakita ni mama sa kama nila nakapatong, tapos puro putik yung bestida.”
Nanlaki ang mata ni Hikki sa sinabi ng kaibigan. “Hindi kaya…”
“Alam kong iniisip mo.”
Hindi na tinuloy ni Hikki ang sasabihin sana. “Pano niya nakukuha yung bestida mo? Pano siya nakakapasok sa kwarto mo?”
“Ginugulo niya talaga kami!” Sabi ni Hina. “Pakiramdam ko ako talaga yung pakay niya. Tinatakot niya ko.”
“Pero bakit niya gagawin yun?” Takot na tanong ni Hikki. “Ano bang ginawa mo?”
“Wala.” Nakatulalang sagot ni Hina. “Kagagaling ko lang sa ospital, Hikki. Sino ba naman ang magagawan ko ng kasalanan? Pano kung sila mama ang may ginawa habang wala ako?”
Napaisip si Hikki. “Pwede.”
“Naguguluhan ako.” Mahinang sabi ni Hina. “Parang ginugulo nanaman nila ang utak ko.”
“Wag naman sana,” Sabi ni Hikki sa kaibigan. “Magaling ka na eh! Ayokong bumalik ka ulit sa ospital.”
Napatingin si Hina sa kaibigan. “Ano bang sinasabi mo? Hindi ako mababaliw ulit Hikki. Magaling na nga ako diba?”
Tumungo ang ulo ni Hikki.
“Pumasok na tayo sa loob.” Yaya ni Hina. “Napapagod na ko dito. Naguguluhan ako sa nangyayari.”
Nasa loob ng kwarto si Hina at si Hikki. Hawak-hawak ni Hina ang bestida niya. “Ano ba ang misteryo mo at ikaw pa ang napipiling suotin ng taong ‘yun?”
Nakatingin lang si Hikki sa kanya. “Itago mo kaya yan. Yung sa lugar na hindi niya makikita. Tignan natin kung masusuot pa niya.”
“Oo nga noh?” Sabi ni Hina. “Pero nagtataka ko, kung ‘eto yung ginagamit niya, bakit hindi na lang niya i-uwi sa kanila? Bakit binabalik pa niya sa’kin? Bakit nagpapakahirap pa siya na kunin dito yung bestida bago pumatay? At ang pinakatanong ko, bakit kailangan ‘etong bestida ko pa ang suotin niya?”
Tumawa si Hikki. “Ang dami mo naman tanong eh! Hindi naman natin masasagot yun. Pwera na lang kung magpakita yung nanggugulo sa inyo. Tapos siya yung tanungin natin!”
Tumawa na ren si Hina. “Malamang bago natin siya matanong, patay na tayo.”
Tumawa sila ng sabay. Ngayon lang ulit tumawa si Hina pagkatapos ng nangyari sa ama.
Ilang minuto din bago sila tumahimik mag biruan. Napabuntong hininga si Hina. “Itago na natin ‘to. Ako nang bahala kung saan ko ‘to itatago. Hindi niya na ‘to makukuha.”
Tanghalian. Marami pang tao sa bahay ng Horikita. Ka-uuwi lang nila galing sa libing ni Mr. Horikita. Pagod na pagod ang lahat.
Pagkatapos ng ilang oras, kaunti na lang ang mga bisita. Umuwi na ang iba. Si Mrs. Takira, tumutulong sa pagligpit ng bahay kasama si Hikki.
“Kalimutan niyo na ang nangyari ha?” Sabi ni Mrs. Takira. “Ang dapat niyong gawin ngayon, tanggapin ang lahat at patuloy lang sa paglaban.”
Napabuntong hininga si Mrs. Horikita. “Salamat sa payo. At salamat din, Hikki sa pagsama mo lagi sa anak ko. Kahit paano, nakikita kong bumabalik na talaga siya sa normal niyang pagkatao.”
Ngumiti si Hikki. “Ayos lang po ‘yun, Mrs. Horikita. Masaya din po ako na ayos na si Hina.”
“Ayan!” Tuwang sabi ni Hina. “Hindi ka na makikita ng mamamatay tao na ‘yun!”
Nilagay niya sa isang karton ang bestida niyang itim at itinago ito sa pinakasulok ng aparador niya. “Hindi komaintindihan kung bakit ikaw pa ang napiling isuot ng kung sino man yun. Paborito pa naman sana kita. Sayang lang na hindi muna kita masusuot ng ilang araw.”
Pumasok si Mrs. Horikita sa kwarto niya. “Anak, Hina, uuwi na sina Hikki at Mrs. Takira. Gusto mo bang ihatid sila?”
Tumungo ang ulo ni Hina. “Sige po, mama. Susunod po ako.”
Lumabas na si Mrs. Horikita at mag-isa na ulit si Hina sa kwarto niya. Tinignan niya ang aparador bago lumabas. Nakaramdam siya ng takot sa susunod na mangyayari. Ngayon na nakatago na ang bestida niya, inisip niya na hindi na rin makakapang-gugulo pa ang taong pumatay sa ama niya. Inisip pa niya na baliw ang gumagawa nito. Hindi pangkaraniwan ang mag suot pa ng iisang damit lang pag papatay.
Pag baba niya, nag aabang na sina Hikki at Mrs. Takira sa kanya.
“Uuwi na ko, Hina.” Sabi ni Hikki. “Magkita na lang ulit tayo bukas ha?”
“Sige, Hikki.” Sagot ni Hina. “Alam kong pagod ka din sa pakikipaglamay.”
Naihatid na nila sina Hikki sa bahay nila. Umuwi na rin ang mag-iina. Nakatulog na si Mai sa byahe, si Mrs. Horikita, halata na sa mukha niya ang pagod at lungkot. Pero si Hina, hindi pa masyadong inaantok.
“Matulog na kayo, mama.” Sabi ni Hina. “Parang ayoko pa po kasing magpahinga. Ilagay niyo na po si Mai sa kwarto niya. Maya-maya na po ako matutulog.”
Napangiti lang si Mrs. Horikita. “Bahala ka, anak. Sige, magpapahinga na ko.”
Pumunta si Hina sa sala at binuksan ang TV. Hindi pa siya masyadong nalilibang sa panonood, parang may nakita nanaman siya na dumaan sa bintana. Parang anino, tulad ng dati. Natakot si Hina, pero sa mga oras na ‘to, nilabanan niya ang takot at lumabas siya ng bahay. Gusto niyang malaman kung sino ba talaga ang gumugulo sa pamilya niya. Hindi na siya papayag na may masaktan ulit sa mga mahal niya sa buhay. Pumunta siya sa may bintana at doon hinanap niya ang aninong nakita. Pagkatapos ay pumunta siya sa likod ng bahay kung saan nakita niyang may hagdan na nakatayo patungo sa bintana ni Mai. Na-alerto agad si Hina. Inakyat niya ang hagdan at laking gulat niya nang makita niyang naka halandusay ang duguang kapatid sa sahig. Ang itim na bestida katabi nito.
“Mai!” Sigaw ni Hina. “Anong nangyari sayo?”
Nilapitan niya ang kapatid at niyakap ang malamig na bangkay nito. “Diyos ko! Ano ba talagang nangyayari dito sa bahay na ‘to? Sinong baliw ang gumagawa nito? Bakit ayaw niya kami tantanan?!” Patuloy ang pag iyak ni Hina.
Pumasok na si Mrs. Horikita sa kwarto ni Mai. “Mai, anak ko! Diyos ko! Anong nangyari dito, Hina?!” Umiiyak na parang nababaliw na ang ina ni Hina.
“Hindi ko alam, mama.” Pahagulgol na sagot ni Hina. “Naguguluhan na talaga ko! Nasa sala ako kanina nang makita ko nanaman yung anino na sa tuwing sumusulpot, nakakaramdam ako ng takot. Mama, bago mamatay ang papa, nakita ko rin ang aninong yun! At walang duda, alam kong yun ang nanggugulo sa’tin!”
Niyakap ni Mrs. Horikita ang namayapang bunsong anak. “Hindi ko na kaya, Diyos ko! Wag mo naman kunin sa’kin ang anak ko! Mababaliw ako!”
Tinitigan ni Hina ang bestidang itim. Tinago na kita! Bakit nandito ka nanaman? Ano bang hiwaga ang bumabalot sayo?! Sabi ni Hina sa sarili niya.
“Wala naman ho kaming makitang bagay na nagsasabi sa’min kung sino ho ang gumagawa ng mga ‘to.” Sabi ng isang pulis. “Kahit ho patalim na maaaing ginamit sa krimen ay wala rin.”
Nakatulala na lang si Mrs. Horikita. Kusang tumutulo ang mga luha galing sa mata. Si Mrs. Takira na ang nakipag usap sa mga pulis.
“Kahit na!” Sabi ni Mrs. Takira. “Gawin niyo ang lahat! Imbestigahan niyo ang nangyayari sa bahay na ‘to. Hindi natin pwedeng hayaan na pati sina Hina, saktan pa ng mamamatay tao na ‘yun!”
“Gagawin ho namin ang lahat, Mrs. Takira.” Sagot ng pulis. “Sa ngayon, dapat ho natin bantayan ng maigi si Mrs. Horikita at si Hina.”
Tumungo lang ang ulo ni Mrs. Takira. Hinimas niya ang ulo ni Mrs. Horikita na patuloy pa rin sa pag hinagpis. “Tama na yan. Wag ka na umiyak. Mahuhuli din natin kung sino ang gumagawa ng lahat ng ito!”
Walang reaksyon si Mrs. Horikita.
Nasa kwarto sina Hina at Hikki, gulat na gulat sa pangyayari.
“Paano na ‘to Hina?” Takot na tanong ni Hikki. “Tinago mo na yung bestida, pero nahanap pa rin nung mamamatay tao. Pati tuloy ako, Hina, natatakot na. Paano kung hindi lang pala ang Horikita ang pakay niya? Paano kung pati buong barangay?”
Hindi sumagot si Hina. Na mi-misteryosohan siya sa lahat ng nangyayari. Kinakabahan na siya sa susunod na mangyayari. Hindi niya alam kung sino ang susunod na bibiktimahin ng mamamatay taong nanggugulo sa kanila.
“Hina?” Nanlalaking matang tawag ni Hikki sa kaibigan. “Ayos ka lang ba? Kinakabahan ako sayo! Ano nanaman ang iniisip mo?! Tsaka itapon mo na yang bestida mo!”
“Hindi pwede, Hikki.” Sabi ni Hina. “Gusto kong malaman kung bakit itong bestida ko pa ang gusto ng mamamatay tao na ‘yun! At gusto ko malaman kung sino siya! Gusto ko siya makaharap.”
Lalong kinabahan si Hikki sa kaibigan. “Mag ingat ka sa sinasabi mo, Hina! Paano kung ikaw naman ang susunod na biktima niya? Paano kung makakaharap mo nga siya, pagkatapos ano?”
“Mamamatay ako.”
“Hina!”
“Gusto ko lang malaman kung bakit niya ‘to ginagawa! Bakit ang pamilya ko pa?” Galit na si Hina. “Oh kaya kung ako ang pakay niya, bakit kailangan pa niya idamay ang pamilya ko? Baliw siya! Isa siyang baliw! Ako ang harapin niya! Para malaman natin kung sino ang mas baliw sa’min!”
“Ano ka ba naman, Hina? Paano mo naman nasabi na ikaw nga ang pakay niya? Tsaka, wag ka magsalita ng ganun, Hina. Magaling ka na eh! Hindi ka na baliw!” Tanong ni Hikki.
“Bakit yung damit ko pa ung sinusuot niya?” Sabi ni Hina. “Bakit ‘yun pa? Bakit hindi na lang yung damit niya?”
Hindi sumagot si Hina. Yumuko na lang ‘to at umiyak. “Baka naman multo yung damit mo.” Mahinang sabi ni Hikki.
“Mama,” Hinawakan ni Hina ang balikat ng ina niya. “Dalawang burol na tayo ng ilang araw lang. Nakakalungkot na isipin na wala na rin si Mai.”
Hindi sumagot si Mrs. Horikita.
“Mama, natatakot ako baka saktan ka din niya.” Patuloy ni Hina. “Natatakot ako na baka ako na ang isunod niya.”
Tumingin sa kanya si Mrs. Horikita. “Hindi, anak. Hindi ka niya masasaktan. Hindi ko na kayang mawala ka sa’kin anak. Wala na ang papa mo, pati si Mai. Hindi ko na kaya na pati ikaw, kunin niya.”
Yumuko si Hina. “Yung bestida ko.”
Napatigil sa pag iyak si Mrs. Horikita sa sinabing ‘to ng anak. “Ang bestida mo? Nilabhan ko na anak. Nagtataka nga ako, bakit ba laging nakalabas ‘yun?”
Hindi sumagot si Hina.
“Kumain ka na ba, Hina, anak?” Tanong ni Mrs. Horikita.
“Hindi pa po.”
“Kumain ka na. Na’san ba si Hikki? Sige na, anak, iwan mo muna ko.”
Iniwan na ni Hina ang ina sa sofa.
Kinagabihan, pagkatapos ng libing ni Mai. Si Hina, nasa kwarto niya, natutulog. Pagod na pagod siya at halos magkasakit na siya sa ka-iisip sa mga nangyayari.
Pag gising niya kinabukasan, nakita niya ang kanyang ina sa kusina, naghuhugas ng pinggan. “Mama.”
Napatingin si Mrs. Horikita. Nagulat siya dahil parang hindi na si Hina ang kaharap niya. Halata sa mukha ng dalaga ang pagod. May dalawang malalaking itim na bilog sa mata nito at bagsak ang mata.
“Hina, ayos ka lang ba? Mukhang pagod na pagod ka.”
Nakatulala si Hina. “Pupuntahan ko si Hikki sa iskwelahan ngayon. Hindi kasi siya makakapunta dito sa bahay ngayon eh.”
“Ganun ba? Bahala ka, anak. Basta wag ka magpapagabi.”
Umakyat si Hina sa kwarto niya at naligo. Nagbihis siya at tinignan niya ang bestida na nasa loob ng karton. Tinitigan niya ‘to ng matagal at kinuha. Tinignan niya sa salamin na tila nagsusukat.. Para siyang mamimili sa isang tindahan na maiging sinusuri ang damit. Pagkalipas ng ilang sandali, ibinalik niya na sa karton ang damit at umalis.
“Hina!” Bati ni Hikki sa kaibigan. “Bakit nagpunta ka dito? Pasensya ka na ha, hindi ako makakapunta sa bahay niyo ngayon. Marami kasi akong gagawin eh.”
Ngumiti si Hina. “Ayos lang Hikki. Kaya ko nagpunta dito.”
“Ahh.” Ang tanging sagot lang ni Hikki.
“Mamaya ka na umuwi, Hikki.” Sabi ni Hina. “Dito muna tayo, na-miss ko kasi tong school eh. Gumala muna tayo sa hall.”
Tumawa si Hikki. “Oo ba! Gusto ka rin makita ng mga kaklase natin eh! Kailan ka daw ba kasi babalik ng school? Miss ka na raw nila.”
“Ayoko bumalik dito.” Matamlay na sagot ni Hina. “Ayoko mag-aral. Ayoko sa iskwelahan.”
Nagtatakang nakatingin si Hikki kay Hina. “Huh? Hindi ba, gustong gusto mo nga mag aral? Ang sipag-sipag mo nga eh!”
Tinignan lang ni Hina si Hikki na parang nanlilisik ang mga mata. “Sinabi nang ayoko!”
Nagulat si Hikki sa sagot ng kaibigan. “Hindi naman ki…ta…pinipilit Hi…na… eh!” Paputol-putol na sabi ni Hikki.
“Pasensya na, Hikki.” Paumanhin ni Hina. “Magulo kasi ang utak ko ngayon eh!”
Kumalma ng kaunti si Hikki. “Ayos lang. Ganito na lang, gusto mo dun tayo sa classroom natin dati? Ang init dito eh! Palamig tayo dun.”
Hindi sumagot si Hina, pero sinundan niya si Hikki.
“Oh diba, dito malamig! Mainit sa hallway! Amoy pawis pa!” Sabi ni Hikki sabay tawa. “Tara, upo tayo, Hina.”
Hindi umupo si Hina. “Sandali lang, Hikki, pupunta lang ako sandali sa CR.”
Lumabas si Hina. Mag isa na lang si Hikki sa silid aralan. Pagkalipas ng ilang minuto, hindi pa rin bumabalik si Hina. Kampante si Hikki. Nagulat na lang siya nang may pumasok na isang babae, naka itim. Suot-suot nito ang bestidang itim ni Hina. Nakatakip ang mukha ng maskarang tila nang aasar ang itsura.
“Sino ka? Umalis ka dito!” Sigaw ni Hikki. “Wag mo ko saktan! Hinaaaaaaaaaaaaa!!”
Naglalakad si Hina pabalik sa classroom. Nagulat na lang siya nang makita niya ang taong gumugulo sa pamilya niya na sinasaktan ang kaibigan niya. Natulala siya sa nakita.
May hawak na duguang sako ang mamamatay tao. Si Hikki ang nasa loob nito. Hinahampas ng mamamatay tao ang sako ng isang makapal na kahoy. Umiiyak na si Hina habang pinapanood ang nangyayari. Pinaglalaruan ng mamamatay tao ang sako. Hinihila kung saan-saan. Tumatawang bigla mag-isa, at patuloy sa pag hampas sa sako. Pumasok na si Hina. Binitawan ng mamamatay tao ang sako. Tumingin ito sa kanya.
Nakakita ng gunting si Hina sa may ilalim ng mesa ng guro at kinuha niya ito. “Ikaw ang pumatay sa pamilya ko! Anong kailangan mo?!”
Hindi sumagot ang mamamatay tao. Sa halip ay lumapit ito sa kanya at hahampasin sana siya. Lumaban si Hina. Inamba niya ang hawak na gunting dito at nasugatan niya ito sa dibdib. Nahampas siya sa may sikmura ng hawak nitong kahoy. Lumaban pa rin si Hina. Inamba niya ang gunting dito ulit at natusok niya ito sa kamay. Lumabas na ang mamamatay tao pagkatapos niyang hampasin sa ulo si Hina.
Nang magising si Hina, napansin niyang nasa ospital siya, ginagamot. Hinanap niya ang ina niya. “Nasan ang mama ko? Nasan ako? Ano nangyari?”
“Mabuti pa iha, magpahinga ka muna.” Sagot ng doktor. “Nasa labas ang mama mo.”
Natulog ulit si Hina dahil sa pagod at dahil sa nangyari.
Umiiyak si Mrs. Horikita. Hindi lamang iyak kundi isang malakas na hagulgol. “Hindi! Hindi ‘yon magagawa ng anak ko! Magaling na si Hina, alam niyo yan!”
Isang imbestigador ang kausap ni Mrs. Horikita. “Pero hindi ho natin maipagkakaila na siya nga ho ang may gawa ng lahat. Dati ho, magulo ang imbestigasyon pero ngayon, nalutas na natin. At ‘yun na nga yun Mrs. Horikita. Si Hina.”
Tumuloy lang sa pag iyak si Mrs. Horikita. “Hindi, hindi, hindi, hindi! Diyos ko! Bakit nangyayari ito lahat?!”
Nasa ospital si Hina. Sa ospital ng mga baliw. Nakaupo siya sa kama. May benda ang kamay at ulo at nakatulala nanaman siya sa bintana. Tumutulo ang mga luha niya at hindi maipagkakaila na matindi ang hinanakit nito.
Pumasok ang isang imbestigador sa kwarto niya. Tinignan ni Hina ito sandali at lumingon ulit sa may bintana.
“May kailangan ako malaman, Hina.” Sabi ng imbestigador.
“Alam ko. Malinaw na sa’kin lahat.” Umiiyak na sabi ni Hina.
Yumuko ang imbestigador. “Alam kong magulo sayo ang lahat ng nangyayari pero kailangan natin ‘to tanggapin. Ngayon, gusto ko malaman kung paano mo ginawa ang lahat. At kung bakit hindi mo alam na ikaw ang may gawa?”
Tumingin si Hina dito. “Akala ko magaling na ko! Pero magaling na talaga ko! Lumabas ako ng ospital na ‘to, magaling na ko! Hindi ako baliw! Pero nagkamali ako!” Humagulgol na sabi ni Hina. “Hindi ko alam! Wala na ang pamilya ko! Wala na ang kaibigan ko! At eto ako, nandito, nagtitiis ng sakit ng ginawa ng sarili ko!”
“Gusto ko malaman ang buon pangyayari, Hina.”
Tumigil si Hina sa pag iyak sandali at tinitigan ang imbestigador. “Naaalala ko na lahat.”
Hindi nagsalita ang imbestigador.
“Nung araw na sunduin ako ni papa galing ospital,” Simula ni Hina. “Masaya ko dahil nakabalik ako ng bahay. Nung gabing yun, hindi ako natulog, ang anino na nakikita ko sa bintana ay ako! Bago ako pumunta ng sala, sinuot ko ang paborito kong bestidang itim at tsaka ko lumabas at dumaan sa labas paakyat sa kwarto ng magulang ko.”
Nakatingin ang imbestigador kay Hina, nakikinig ng maigi.
“Pinatay ko si papa. Pagkatapos kong gawin yun, Pumunta ko sa kwarto ko, nagpalit ako ng pantulog at iniwan ko ang bestida sa sahig, tsaka ako bumaba. Nung oras na yun, doon ko lang nakita ang ginawa ko. Tsaka lang nangyari ang lahat. Ang anino, ang bestida. Nang makaramdam ako ng antok, humiga ako. Hindi ko alam na nabahiran ko ng dugo ang kama ko.”
“Pinatay mo ang iyong ama.” Sabi ng imbestigador. “Gumagawa ng storya ng utak mo nung panahon na yun. Ginagampanan mo ang sarili mo bilang si Hina at isang mamamatay tao.”
“Pero pangako!” Sigaw ni Hina. “Wala kong alam! Ngayon ko lang naalala ang lahat! Akala ko kasi dati, magaling na ko! Ngayon ko lang naalala lahat ng ginawa ko!” Umiiyak si Hina.
“Kahit anong pagsisisi, hindi mo na maibabalik ang buhay ng mga pinatay mo, Hina.”
Patuloy si Hina sa pag kuwento. “Ganun den ang ginawa ko sa kapatid kong si Mai. Ang nakita kong mamamatay tao ay ang sarili ko.”
Tumungo lang ang ulo ng imbestigador. “Pati sa aso na walang kaalam-alam sa mundo, Hina.”
Umiyak lang lalo si Hina. “Kaya pala nakita ni mama ang bestida ko sa kama nila na putikan at duguan. Pinatay ko ang aso ng kapitbahay ko nang magdilim ang paningin ko dahil sa pagod.”
Napabuntong hininga ang imbestigador sa mga nalaman. “Ang pagpatay mo kay Hikki, sa kaibigan mo.”
Nanlaki ang mga mata ni Hina. “Wala rin akong alam dun! Hindi ko rin alam ang ginagawa ko ng panahon na yun!”
“Pero ginawa mo pa rin!”
“Hindi ko alam na kinalaban ko ang sarili ko. Pagkatapos ko patayin si Hikki, nilabanan ko ang sarili ko! Sinaktan ko ang sarili ko! Baliw ako!” Pahagulgol na sigaw ni Hina.
“Nalaman ko na ang lahat, Hina.” Sabi ng imbestigador. “Yun lang ang pakay ko dito.”
“Nasan ang mama ko?” Tanong ni Hina.
“Wag ka mag alala, hawak namin si Mrs. Horikita. Nasa mabuti siyang kamay, pero patuloy ang paghinagpis ng iyong ina para sayo.”
Hindi na sumagot si Hina. Patuloy na lamang siya sa pag iyak. At umalis na rin ang imbestigador.
“Akala ko kasi magaling na ko.”
–Wakas–
Tuesday, June 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment